Makalipas ang matagal na panahon, muling tumuntong sa GMA Network Studio si Lipa City House Representative Vilma Santos-Recto.
Nangyari ito nitong Lunes ng hapon, January 27, sa live telecast ng Wowowin, ang game show ni Willie Revillame sa Kapuso Network.
Isang sorpresa ang inihanda ni Willie na ikinatuwa nang husto ni Vilma—ang isang milyong pisong donasyon para sa mga apektado ng pagputok ng bulkang Taal noong January 12, 2020.
Bukod pa rito ang mga kaban-kabang bigas at grocery items na ipamamahagi ng Wowowin host sa mga nasalanta ng Taal Volcano eruption.
Sabi ni Willie, "Ito po galing sa WBR Productions para makapagbigay-tulong.
"Ito po ay worth PHP1million, bigay po ito ng Wowowin.
"Hindi ko alam kung kanino ko ibibigay.
"E, kayo talaga ang taga-Batangas, si Senator Ralph Recto, so ito ay iniaabot ko in behalf of GMA-7."
Hindi nagdalawang-isip ang Star for All Seasons na pagbigyan ang imbitasyon ni Willie sa Wowin dahil sa kanilang malalim na pinagsamahan.
Si Vilma ang nag-officiate ng civil wedding ni Willie sa ex-wife nitong si Liz Almoro. Ninang din si Vilma sa church wedding ng couple noong 2005.
Higit sa lahat, ipinagdiwang ni Willie and 59th birthday nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal noong January 12, 2020.
Kaya raw pansamantalang nagpaalam si Vilma sa session sa Kongreso sa ngalan ng kababayan niya sa Batangas na apektado pa rin ng nangyaring kalamidad.
"Overwhelming ang lahat ng mga tumulong sa mga naging biktima ng pagsabog ng Taal—galing sa iba-ibang mga lalawigan, private individuals, mga private sector.
"Kahit na maliit na bagay, kahit malaking bagay, talagang lahat, ipinarating nila at ipinakita yung pagmamalasakit sa mga naging biktima ng pagsabog ng Taal Volcano.
"Sa inyo pong lahat, sa pangalan ng mga Batangueno, maraming, maraming, maraming salamat po," taos-pusong pasasalamat ni Vilma sa lahat ng mga nagpadala ng tulong sa kanyang mga kababayan sa Batangas.
DISPLACED TAAL RESIDENTS
Nagbigay rin ng update si Vilma tungkol sa bagong advisory ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
"Sa ngayon po, natutuwa ako dahil from Alert Level 4, napunta na kami sa Alert Level 3.
"Na ang ginawa ng PHIVOLCS, pinayagan na yung iba na nasa evacuation centers, ngayon pinayagan na sila na makauwi sa kanilang mga tahanan.
"Pero siyempre, nandoroon pa rin ang mga nakabantay, kasi Alert Level 3 pa rin ito, anything can still happen."
Gayunman, may mga problema pa rin daw na kinahaharap ang iba niyang kababayan sa Batangas.
"Ang mga malaki pa rin na natitira po ay yung mga nasa isla. Since it’s a permanent danger zone, hindi naman talaga puwedeng lagyan ng tao doon.
"Pero siguro, meron doon na 6,000 individuals na nakatira sa isla mismo ng crater, ng bunganga ng bulkan.
"Ngayon, hindi na sila makakabalik doon."
A CALL FOR HELP
Apela ni Vilma, sana raw ay hindi magsawang mag-abot ng tulong para sa natitirang Taal evacuees.
"Ang akala nila Alert Level 3, nagbalikan na sa bahay, okey na.
"Hindi, Willie, kasi may mga na-damage din na malaki at kailangan pa rin nila ng tulong.
"Huwag sanang magkaroon ng tinatawag na donor’s fatigue.
"Marami pa rin kasi sa mga isla, hindi pa rin makabalik sa kanilang bahay, so ito ang tutulungan natin sa mga ibinibigay po."
Siniguro naman ni Vilma na hindi rin naman basta aasa lang sa tulong ang mga kababayan niya sa Batangas.
"Ang mga Batangueño, mawala na ang yaman, huwag lang ang yabang, e. Talagang hindi susuko iyan.
"Ngayon, sa nangyaring ito, ayaw nila yung lagi na lang nakaasa.
"Kung bibigyan niyo sila ng suporta, sila ang magtatrabaho para doon para maibalik yung buhay nila. Hindi yung lagi na lang kaming manghihingi.
"Ngayon nga, naka-recover at bumalik na sa bahay, bigyan mo lang uli iyan ng mga assistance, sila ang magtatrabaho para magkaroon uli ng hanapbuhay.
"Linisin uli ang kanilang tahanan, ayusin uli ang kanilang mga bahay na nasira.
"Ang medyo malaking problema ngayon, e, yung relocation, kasi talagang maraming pamilya na hindi na puwedeng bumalik sa isla.
"Kailangan, makahanap na ng lugar kung saan sila puwedeng ilipat.
"Pero yung lilipatan, dapat maayos din ang kabuhayan."