Patuloy na sinasadya ng mga Pinoy basketball fans ang Green Gate ng Smart Araneta Coliseum para magsulat sa dalawang giant tribute wall ng mensahe ng pamamaalam kay Kobe Bryant.
Sumakabilang-buhay ang basketball icon noong January 26, dahil sa pagbagsak sa Calabasas, California, ng helicopter na sinakyan nila ng walong iba pa, kabilang ang 13-year-old daughter niyang si Gianna.
Saksi ang Cabinet Files sa pagpapakuha ng litrato at pagsusulat ng mensahe ng mga Pinoy basketball fans sa tribute wall para kay Kobe.
Hindi lamang ang Big Dome ang dinarayo, dahil pinupuntahan din ng fans ni Kobe ang tenement sa West Bicutan, Taguig City, para makita nang personal ang giant mural ng mag-amang Kobe at Gianna, na iginuhit ng visual artists sa basketball court doon bilang pagbibigay-pugay sa mga nasawi.
Mabilis na nag-viral ang giant mural nina Kobe at Gianna dahil sa mahusay na pagkakaguhit ng tenement residents, at pinag-uusapan na rin ito sa iba’t ibang dako ng mundo.
KOBE’S BODY IDENTIFIED
Samantala, na-recover na nitong Martes, January 28 (U.S. time) ang mga labi ng siyam na biktima ng chopper crash, kabilang ang kay Kobe.
Sa pamamagitan ng fingerprints, natukoy na rin ng mga imbestigador ang katauhan ng apat sa siyam na nasawi, ayon sa report ng Medical Examiner-Coroner ng Los Angeles County.
Nakasaad sa report: “Over the span of two days, personnel from the department’s Special Operations Response Team (SORT) located and recovered the nine bodies from the extensive crash site.
“Through the use of fingerprints, investigators identified the three men and one woman who were on the aircraft, John Altobelli, Kobe Bryant, Sarah Chester, Ara Zobayan.
“Investigators are still working on identifying the five remaining decedents.
“The department of Medical Examiner-Coroner will provide immediate updates on the names of the decedents as soon as they are officially verified and their next of kin have been identified.”
Naglabas naman ang National Transportation Safety Board ng Amerika ng mga bagong litrato at video mula sa crash site, kung saan makikita ang wreckage ng helicopter na ginamit ni Kobe at ng kanyang mga kasama.
Base sa mga litrato at video na ipinalabas sa CBSN Los Angeles, mahihinuhang imposible talagang may nabuhay sa mga pasahero ng nag-crash na helicopter, na mabilis na nagliyab pagbagsak nito.