Papunta kami sa presscon ng Descendants of the Sun ng GMA 7 ngayong gabi, January 30, nang mapadaan kami sa isang kalye sa Quezon City.
Umagaw sa atensiyon namin ang isang babae na pamilyar sa amin ang hitsura.
Nang lumapit kami, nakumpirma naming dating showbiz personality ang babae.
Siya ay si Lovely Embuscado, isa sa mga finalists sa Season 1 ng Protégé, ang talent search program ng GMA-7 noong 2011, at binansagan na "The Singing Cinderella" mula sa Tagum, Davao.
Ang naging mentor niya ay ang Queen of Soul na si Jaya.
Former talent din si Lovely ng GMA Artist Center, ang talent management agency ng GMA-7.
Lumabas na siya sa maraming programa ng Kapuso Network tulad ng Party Pilipinas, Magpakailanman, at The Half Sisters.
Kalunos-lunos ang kalagayan ni Lovely at ng kanyang mga magulang dahil homeless na sila kaya naninirahan na lamang sa kalye.
Ang ina ni Lovely na si Daisy ang nagsabi sa Cabinet Files na isang linggo na silang nakatira sa kalye at nanghihingi ng pagkain sa simbahan para pangtawid-gutom.
Tinanong namin kung bakit nagkaganoon ang kanilang buhay.
Umiiyak na sabi ni Daisy, "Kasi po, nabaon ako sa utang, e, yung income po dati ni Lovely, tama lang po na pambayad sa utang.
"Ang The Half Sisters po ang last teleserye niya."
Napansin naming tila may pinagdaraanan na depression si Lovely. Tulala ito at parang maliit na bata na kung magsalita.
Sabi ng kanyang inang si Daisy, "Ako din po, parang na-depress ako, pero kinaya ko po kasi wala nang ibang maaasahan kung hindi ko po kakayanin.
"Dati po, nakatira kami sa bahay ng kapatid ng asawa ko, sa Baseco.
"Hinihiling ko po kay God na Panginoon, alisin Mo na nga kami dito.
"Nakakatakot po doon, laging may riot,” sabi ni Daisy.
Nang tanungin namin si Lovely kung gusto pa niyang bumalik sa showbiz, blangko na tingin ang kanyang sagot sa amin.
Pinilit siya ni Daisy kumanta, pero habang kumakanta, napahagulgol ng iyak ang dating Kapuso talent.
Base sa aming mga nasaksihan, malinaw na matindi ang depression ni Lovely at kailangan nito ng tulong.
Madudurog ang puso ng sinumang makakakita sa kasalukuyang kalagayan ni Lovely, samantalang gustung-gusto ng kanyang ina na makabalik sa showbiz ang anak para makaahon na sila mula sa kahirapan.
Asam at pakiusap ng ina ni Lovely: "Sana po makabalik siya sa showbiz kasi diyan lang po kami nakakaluwag.
"Hindi ko po alam kung hanggang kailan kami maninirahan sa kalye kasi wala po kaming pangrenta ng bahay.
"Sana po, matulungan kami."