Ang Watch List ng Reality Entertainment ang nanalo bilang Most Disturbing Fiction Film sa 2020 Tournai Ramdam Festival, na ginanap sa Tournai, Belgium mula January 18 hanggang January 28, 2020.
Si Alessandra de Rossi ang lead actress sa pelikula ng American director na si Ben Rekhi.
Tungkol sa isang ina na gagawin ang lahat para maprotektahan ang kanyang pamilya ang kuwento ng Watch List, na halaw sa mga tunay na pangyayari.
Lahad ni Alessandra, “Kapapanalo lang ng Watch List na Most Disturbing Film sa Belgium.
"Nanalo siya na Most Disturbing, na sabi nga ni Jake Macapagal, ‘Marami pa akong napanood na mas disturbing pa dun sa festival. Pero okey nang sa atin napunta yung award."
Mas naniniwalasi Alessandra na eye-opener at hindi disturbing ang pelikula nilang may playdate sa mga sinehan sa February 19.
Dalawang script—isang English at isang Tagalog—ang ginamit sa shooting ng Watch List dahil hindi marunong ng Philippine language ang American director ng pelikula.
Sa kuwento ni Alessandra, hindi nahirapan si Ben at hindi nagkaroon ng language barrier dahil tumulong sila ng kanyang co-stars sa pagsasalin sa Tagalog ng mga English dialogue sa script.
Ikinumpara ni Alessandra sa shooting ng isang Hollywood movie ang filming ng Watch List dahil sa paulit-ulit na rehearsals na tumatagal ng anim na oras.
“Six hours per scene, paulit-ulit. Hollywood style siya, so talagang kailangan galingan mo.
"Kung basa ka sa eksenang iyon, six hours ka na babasain kahit madaling-araw na. Anim na oras dahil kailangan kunan lahat.
“Lahat ng hinga, lalo na siyempre may pagka-action din, so may isang scene kami, binilang ko, seven shots pero tig-ten takes lahat kasi kailangan ma-perfect.
"Welcome to Hollywood, you made it guys!
“Kaya lang sa Hollywood, eight hours sila mag-work.
"Dito [sa Pilipinas], inaabot kami ng parang 6 a.m., 5 a.m. calltime hanggang 2 a.m.,” kuwento ni Alessandra.
May pakiusap si Alessandra na huwag lagyan ng kulay-pulitika ang Watch List.
“Huwag tayong mag-focus sa political side.
"Mag-focus tayo sa story ng isang ina at kung ano ang kaya niyang gawin para protektahan ang naiwan sa kanya.”
Bukod sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang pamilya, may kinalaman din sa mistaken identity ang plot ng Watch List.
Sa tunay na buhay, naranasan ni Alessandra na maging biktima ng mistaken identity.
“Sa mga blind item, oo! Akala nila ako or, akala nila, totoong nangyari. Mga ganoon lang.
"Or, 'Assunta, pa-picture,' 'No problem.' Parang ganoon!” ang natatawang kuwento ni Alessandra, na madalas napagkakamalang kapatid niyang si Assunta de Rossi ng mga taong nakakahalubilo niya.