Sa pamamagitan ng press conference nitong Linggo ng umaga, February 2, kinumpirma ni Secretary Francisco Duque III ng Department of Health (DOH) na sumakabilang-buhay sa San Lazaro Hospital sa Maynila kahapon, February 1, ang isang 44-anyos na lalaki dahil sa 2019-nCoV o coronavirus acute respiratory disease.
Mula sa Wuhan, China ang lalaki.
Kasama ang kanyang 38-year-old female partner, na magaling na ngayon, dumating sa Pilipinas mula sa Hong Kong ang coronavirus victim noong January 21.
Kapwa sila na-confine sa San Lazaro Hospital noong January 25 dahil taglay nila ang mga sintomas ng naturang sakit na naghahatid ng matinding pangamba sa buong mundo.
Nag-umpisa na ang mga tauhan ng Epidemiology Bureau ng DOH sa contact tracing o paghahanap sa mga pasahero ng eroplano na kasabay ng coronavirus victim at ng partner nito sa Hong Kong-Manila flight nila noong January 21.
Kabilang din sa contact tracing o pinaghahanap ang mga taong nakahalubilo ng biktima at ng kasama nito nang pumunta sila sa Cebu at Dumaguete.
Ang tumataas na death rate dahil sa coronavirus ang dahilan kaya ordinary sight sa mga pampublikong lugar ang mga kababayan nating may suot na facemask.
CORONAVIRUS SCARE
Apektado rin ng coronavirus scare ang movie industry dahil nagdadalawang-isip na ang mga taong pumunta sa mga sinehan para manood.
Hangga’t maaari, iniiwasan nilang pumasok sa mga mall o sa crowded enclosed spaces.
Casualty rin ng coronavirus scare ang tourism industry dahil sa mga turista na ipinagpaliban ang kanilang mga biyahe sa iba’t ibang bansa.
Kinansela ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang opening parade ng month-long Panagbenga Festival kahapon, February 1, bilang paghahanda at pag-iwas laban sa coronavirus.
Taon-taon, libo-libong turista ang umaakyat sa Baguio City para saksihan ang makulay at masaya na street parade ng Panagbenga Festival.
Naglabas naman ng health advisory ang isang TV network para sa kanilang mga empleyado at contract stars tungkol sa pagbiyahe sa ibang bansa.
"We have been advised that all staff/artists coming from another country are advised to get a medical certificate from a doctor before reporting back to work.
"In addition to this, he/she should also see the clinic’s doctor for checking before reporting to work," saad sa health advisory na inilabas ng network management.
VIRAL VIDEO OF "CONCERNED CITIZEN"
Nag-viral kahapon ang video ng isang “concerned citizen” na nag-report, sa pamamagitan ng Facebook Live, tungkol sa isang dayuhang nakahandusay sa kalye sa kanto ng Taft Avenue at Remedios Street sa Maynila.
Nagdulot ng sobrang takot sa mga nakapanood ang video.
Sa unang report ng lalaki, sinabi nito: “ASAP! Plsssss pakalat po,marami na po ako tinawagan ayaw po syang kuhanin.ISA PO SYANG 90% CHINESE NATIONAL.LOCATION: REMEDIOS ST. CORNER TAFT AVE."
Pero sa kanyang Facebook post ngayong hapon, lumitaw ang inconsistency ng " concerned citizen" dahil iba na ang kanyang mga pahayag:
“Ang pakay ko lamang po ay makuha yung banyaga mapa-chinese, hapon, koreano, kano etc. man po siya. HINDI KO PO INISANDAANG PORSYENTO NA TINIYAK NA SYA PO AY CHINESE NATIONAL.
"Ibinase ko po ito sa aking personal na pagkakakilanlan sapagkat hindi po full na makita ang buong mukha niya at sa distance. 90% lamang ang aking nabanggit na siya sa CHINESE NATIONAL.”
Sa lobby ng ABS-CBN building, may mga nakahandang plastic bottle ng mga antibacterial sanitizer na libreng gamitin ng mga taong pumapasok at lumalabas mula sa naturang establishment.