Magaganap ang pag-iisang dibdib nina Juancho Trivino at Joyce Pring sa Sofitel Manila bukas, February 9.
Alas-tres y medya ng hapon (3:30 p.m.) ang imbitasyon sa garden wedding ng Madrasta lead actor at ng kanyang fiancée na co-host niya sa Unang Hirit, ang morning show ng GMA-7.
Sa last conversation ng Cabinet Files kay Juancho, nagkuwento siyang hindi pa niya inaalok si Joyce ng kasal nang magsimula ang taping ng afternoon drama series ng GMA-7, na naging bahagi rin ng kanilang love story.
"Noong nag-start ang Madrasta, plano ko na, pero hindi pa ako nagpo-propose.
"Nasa plano namin, nagka-counseling na kami, matagal na.
"Noong in-announce namin, we’re already three months engaged," kuwento ni Juancho.
Ang Unang Hirit host na si Arnold Clavio, na kabilang sa mga principal sponsor sa Trivino-Pring Nuptials, ang isa sa mga unang nakaalam tungkol sa planong pagpapakasal nina Juancho at Joyce.
Nagbigay si Arnold ng hint sa 20th celebration presscon ng Unang Hirit noong November 26, 2019 tungkol sa magaganap na kasalan.
Pero nagbibiro lamang siya ang buong akala ng entertainment writers na kausap niya.
"Nagkaroon lang ng miscommunication, but it wasn’t an issue," reaksiyon ni Juancho nang ipaalaala namin sa kanya ang "birong totoo" ni Arnold sa anniversary presscon ng Unang Hirit.
Pero kinumpirma ni Juancho na totoo ang kuwento ni Arnold na 2014 pa lang, crush na niya si Joyce, kaya kinilig siya nang magkasama sila sa early morning show ng GMA-7.
"Kinikilig ako. Natutuwa naman ako.
"We know each other before pa, pero hindi talaga kami nagkakausap as friends.
"Nung magkasama kami sa Unang Hirit, yun pala, magka-vibes kami. Marami kaming similarities," ani Juancho.
Kalmado ang Kapuso actor dahil hindi pa siya nakakaramdam ng wedding jitters.
Parehong 27 years old ang dalawa at two-weeks older lang si Juancho kay Joyce.
Naging matipid si Juancho sa pagkukuwento tungkol sa wedding plans nila ni Joyce, pero nabanggit niyang secondary sponsors ang kanyang mga kaibigan na sina Mikoy Morales at Jeric Gonzales.
Imbitado sa magaganap na garden wedding ang lahat ng mga kasamahan ni Juancho sa Madrasta at ang mga katrabaho nila ni Joyce sa Unang Hirit.