Ang “impromptu reunion” ng La Diva ang isa sa mga highlight ng Just Lovely, ang benefit show para kay former Protégé Season 1 finalist Lovely Embuscado.
Nangyari ito sa Zirkoh Comedy Bar, Tomas Morato Avenue, Quezon City, kagabi, February 8.
Ang La Diva ang female music trio nina Jonalyn Viray aka Jona, Aicelle Santos, at Maricris Garcia na binuo ng GMA Artist Center ng GMA-7 noong May 2008.
Regular silang napapanood noon sa Sunday musical show na SOP at Party Pilipinas.
Nilisan ni Jona ang grupo noong 2013 dahil nagdesisyon siyang magsolo, hanggang lumipat siya sa ABS-CBN noong February 2016.
Makalipas ang pitong taon, muling nagkasama at kumanta sa stage sina Jona, Maricris, at Aicelle dahil sa hiling ni Jaya.
Si Jaya ang mentor noon ni Lovely sa Protégé, at nag-perform din sa benefit concert na itinaguyod ni Krizza Neri para matulungan ang homeless at mentally-ill alumna ng 2011 talent search program ng Kapuso Network.
Kagabi, si Jona ang unang isinalang.
Matapos ang dalawang kanta, umakyat si Jaya sa stage at ipinaalala sa audience na lahat sila ay dating mga talent ng GMA-7.
Humingi muna si Jaya ng permiso kay Jona kung puwede niyang paakyatin sa stage sina Maricris at Aicelle.
Siya rin ang humiling na kumanta sana ang tatlo bilang La Diva.
Sagot ni Jona, "Yeah, sure, okey lang naman, nandito na ako, e.
"We’ll try to sing this song na paboritong-paborito na kinakanta namin noon, and very meaningful po ang mensahe ng kanta na’to.
"Very impromptu po ito, walang rehearsal."
Sinabi naman ni Maricris na ngayon lamang uli nila aawiting magkakasama ang kanta na kanilang tinutukoy.
Mainit ang pagtanggap ng audience sa former members ng La Diva nang awitin nila ang "Angels Brought Me Here," isa sa kanilang mga paboritong kanta noong magkakasama pa sila.
Habang kumakanta ang tatlo, parang isang fan si Jaya na kinunan ng video ang pagsasama-sama ng La Diva na baka matagalan bago muling mangyari o posibleng hindi na maulit.