Lumipad na si Bela Padilla patungong South Korea noong Huwebes, February 6, para sa shooting ng Ultimate Oppa, ang romantic movie na pagtatambalan nila ng Korean actor na si Kim Gun-Woo.
Twenty days daw si Bela doon habang tinatapos ang movie project na co-production venture ng Viva Films, Reality Entertainment, at ng Korean film company na BJ Song of Group 8. Mula ito sa direksiyon ni Jade Castro.
Masaya si Bela nang umalis sa Pilipinas dahil nalaman niyang pinipilahan sa box office ang On Vodka, Beers and Regrets, ang pelikula nila ni JC Santos na nagbukas sa mga sinehan noong February 5.
Ikinukumpara ang love team nina Bela at JC sa partnership nina Vilma Santos at Christopher de Leon noon, dahil kahit alam ng publiko na may ibang mga karelasyon sa tunay na buhay ang Star for All Seasons at ang Drama King, tinatangkilik ng mga tao ang kanilang mga movie project.
Bago ipinalabas sa cinemas nationwide ang On Vodka, Beers and Regrets, inamin ni JC na nagpakasal na siya at nakatakdang magsilang ngayong February ng baby girl ang asawa niya.
Pero hindi ito nakaapekto sa magandang resulta sa takilya ng fourth movie team-up nila ni Bela.
Tiyak na ikatutuwa nina JC at Bela ang balita na tinalo ng On Vodka, Beers and Regrets ang Birds of Prey, ang Hollywood superhero movie na may budget na US$97.1 million na nagbukas din sa mga sinehan noong February 5.
Kinumpirma ng theater owners na mas malakas at mas malaki ang box-office gross ng pelikula nina JC at Bela kumpara sa Birds of Prey, at maituturing itong isang magandang senyales para sa local movie industry.