Nakuha ng Reality Entertainment ang movie rights para sa Embracing The Gift, ang libro ni Jinky Amores, ang popular Filipino parapsychologist.
Parapasychologist ang tawag sa mga psychologist at therapist na may kakayahan ding makipag-usap sa mga espiritu, may gift of telepathy at nakakatulong sa paglutas ng mga misteryoso na krimen.
“Instinct at ang magandang aura“ ng Reality Entertainment producer na si Dondon Monteverde at ng direktor na si Erik Matti ang mga dahilang sinabi ni Amores kaya napapayag siyang ipagkaloob sa dalawa ang karapatang isalin sa pelikula ang kanyang libro tungkol sa kanyang personal paranormal experiences.
Five-years-old si Amores nang matuklasan nito ang pagkakaroon niya ng gift of telepathy at clairvoyance.
Aniya, ‘It runs in the family. It’s an inborn gift and then, I was able to incorporate iyung gift ko in my work, as a family therapist.”
Si Judy Ann Santos ang pinili nina Dondon at Erik para gumanap bilang si Jinky.
Nagkita na nang personal sina Judy Ann at Jinky at mula nang magkakilala ang dalawa na may strong resemblance sa isa’t isa, naging madalas na ang kanilang pagkikita at nagkaroon na rin sila ng private sessions.
“Ipinakilala namin sila,” ani Dondon.
“We met up for lunch. Siyempre, Juday wanted to try. Di ba, gusto niya na bago siya mag-portray ng role, kailangan kumportable rin siya?
“Nagpa-session din ako kay Jinky. Tinanong ko siya kung kikita ba itong pelikula.”
Ikinuwento naman ni Erik na hindi pa matuluy-tuloy ang session nila ni Jinky sa Manila Film Center dahil may conflict sa kanilang mga schedule.
Marami ang mga kuwento tungkol sa mga pagmumulto na nangyayari sa Manila Film Center dahil sa mga trabahador na namatay noong November 17, 1981 habang minamadali ni former First Lady Imelda Marcos ang construction ng building para sa opening night ng 1st Manila International Film Festival noong January 18, 1982.
Balak sana ni Amores na gamitin kay Erik ang transference para makita rin niya ang mga makikita ng psychic sa Manila Film Center, at dahil dito ay may kabang nararamdaman ang direktor.
“Paano kung sumunod ‘yon? Kailangan namin na pumunta sa Manila Film Center dahil nanghihingi si Juday ng experience.
“Buong buhay ko, wala pa akong nakikitang multo, wala pa akong nararamdaman,” ang nag-aalaala at natatawang sabi ni Erik na hangang-hanga sa abilidad at mga karanasan ni Amores.
Plano nina Erik at Dondon na umpisahan sa last quarter ng 2020 ang shooting ng pelikula tungkol sa life story ni Amores dahil tatapusin muna nila ang shooting ng Mother, ang bioflick ni Regal Entertainment Inc. producer Mother Lily Monteverde na pagbibidahan din ni Judy Ann.
Sisimulan sa March 2020 ang principal photography ng Mother.