Huhusgahan sa box office simula ngayong araw, February 12, ang James and Pat and Dave, ang Valentine presentation ng Star Cinema.
Sequel ito ng 2016 blockbuster movie na Vince and Kath and James.
Sina Joshua Garcia, Julia Barretto, at Ronnie Alonte ang mga bida sa Vince and Kath and James.
Sa James and Pat and Dave, sina Ronnie, Loisa Andalio, at Donny Pangilinan ang lead stars.
Pero parehong si Theodore Boborol ang direktor ng mga nabanggit na pelikula.
Ipinagmamalaki nina Loisa at Ronnie na ang pagkakaroon ng relasyon bago nila ginawa ang James and Pat and Dave ang kanilang kaibahan sa ibang mga love team, gaya nina Joshua at Julia na hindi pa magkarelasyon nang gawin ang Vince and Kath and James.
Dahil kapwa nakatrabaho sina Joshua, Julia, Loisa, at Ronnie, si Theodore ang may karapatang magsalita tungkol sa chemistry ng apat na young actors.
Pahayag ng direktor, "For me, sa chemistry, iba kasi ang situation before sa Vince and Kath and James.
"Hindi pa love team sina Joshua at Julia, first time nila actually to work together.
"In a way, yung chemistry na hinuhugot nila is coming from their characters, and coming also from their relationship with each other while working on the set.
"Ang kaibahan sa James and Pat and Dave, when we started the movie, Ronnie and Loisa are already an item.
"So, yun ang pinaka-challenge, kasi mag-boyfriend-girlfriend na sila.
"At the same time, si Donny, he was coming from a different love team, but I think ang pinakanagustuhan ko sa tatlong ito is they really put their hearts into their characters.
"At the end of the day, when we were on the set, they’re not Loisa, they’re not Ronnie, they’re not Donny, they’re James, Dave, and Pat.
"They’re so hardworking, they’re so into their characters, and by the time we shot the movie, hindi ko na nakikita sina Loisa at Ronnie, nakikita ko na sina James at Pat.
"Thankfully, nasa kanila ang parang formula of a love team na may chemistry."
Para patunayan ang matinding commitment nina Loisa at Ronnie sa James and Pat and Dave, ikinuwento ni Theodore ang isang insidenteng napansin nila ng production staff.
"Noong start ng shooting kami mismo ng staff, nagtatanong, 'Sila ba talaga? Bakit hindi sila sweet sa isa’t isa?'
"Alam nila sa mga first scene is parang cat and dog sila, so hindi sila puwedeng maglambing-lambingan.
"Minsan nga, parang akala namin, totoong nag-aaway sila, pero that’s part of their preparation," lahad ni Theodore.
Pinatotohanan naman ito ni Ronnie.
"Noong nagsu-shooting kami, pagdating na pagdating namin sa set, never ko siyang pinansin, never ko siya kinausap, never ko siya nilambing," sabi ni Ronnie tungkol kay Loisa.
"Kasi ayokong mabaling yung isip ko na kami, lalo na yung eksena namin na hindi pa naman kami.
"So, yun ang ginawa ko para maibigay ang hinihingi ni Direk."