Matagal na gamutan ang kailangan ng former Protegé finalist na si Lovely Embuscado.
Ito ay dahil sa siya'y may schizophrenia, ayon sa doktor na sumuri sa kanya.
Ang pagiging schizophrenic ni Lovely ang dahilan kaya nagsasalita siya nang mag-isa at madalas nawawala sa sarili.
Ang kundisyon ng 21-year-old singer ang dahilan kaya hindi pa siya puwedeng kumanta o sumali sa mga audition para sa mga singing contest.
Ito ay sa kabila ng kagustuhan ng kanyang inang si Daisy Embuscado, na nagsabing okey na ang buhay nila at magaling na ang anak niya.
“Stage mother at pinupuwersang magtrabaho” ang ilan sa mga mabibigat na akusasyon laban kay Daisy ng mga nakapanood sa video ng mga nakaraang interbyu sa kanya.
Ngunit mariin itong itinanggi ni Lovely.
“Hindi naman. Ang sinasabi ko lang sa kanya, kasi minsan, nakikipag-usap siya sa espiritu.
"Sinasabi ko sa kanya, ‘Hay naku, patugtugin mo nga sounds diyan 'tapos kumanta ka para gumaling ka.'
"Dahil sabi ko, yung pagkanta, ano iyan, gamot iyan,” paliwanag ni Daisy, na nagpamalas ng kakulangan sa kaalaman tungkol sa mental health condition ng kanyang anak.
WILLING TO WORK AS KASAMBAHAY
Nang maging contestant si Lovely ng Season 1 ng Protegé noong 2011, nagkaroon ng isyung ipinapasok siya ng ina para maging kasambahay o katulong ni Jaya, ang mentor ni Lovely sa talent search contest ng GMA-7.
Mariing pinabulaanan ni Daisy ang isyu dahil siya raw, hindi si Lovely, ang nagprisinta noong pumasok bilang katulong ni Jaya.
“Ako yung papasok na katulong, dadalhin ko si Lovely. Ako yun,” pagklaro ni Daisy.
Payag si Daisy na ipagamot ang kanyang anak.
Pero iginiit nitong nagbago lang ang behavior ni Lovely nang maging homeless sila at nanirahan sa kalye ng 11th Jamboree sa Quezon City.
“Diyan lang naman sa kalsada siya nagkaganyan.
"Dati, ang problema sa kanya, mainit ang ulo niya. Nagwawala, kasi ako raw ang dahilan kaya nawala yung career niya.
“Sabi ng mga kaibigan niya, ‘Mommy, ipagamot natin iyan.’
“Sabi ko, wala namang sakit iyan, ‘Halika, anak, kanta kami sa videokehan.’
“Hindi naman siya ganyan. Diyan lang siya sa kalsada nagkaganyan.”
BIG DREAM OF DAISY, THE MOTHER
Ang hindi normal na kalagayan ni Lovely ang dahilan kaya gustung-gusto ni Daisy na sumali ito sa "Wil To Win" segment ng Wowowin, ang game show ni Willie Revillame sa GMA-7.
Dalawang milyong piso ang nakataya rito.
Pag-amin ni Daisy, “Matagal ko nang pangarap iyan. Nangarap akong manalo ng P2 million. Hindi ako tinatanggap [sa auditions].
“Saka isa pa, yung cellphone ko, laging nawawala.
"Hindi ko rin alam kung tinawagan ako o hindi kasi yung cellphone ko, ninanakaw doon sa squatters area, dati doon pa kami nakatira.”
Kung papalarin siyang makapasa sa "Wil To Win" auditions, ang love song na "Ikaw" ang plano ni Daisy awitin dahil, para sa kanya, isang gospel song ang 1993 song na pinasikat ni Sharon Cuneta.
“Sa Tagalog, yun ang pinakagusto kong kanta para masabi ko lang sa sarili ko na ang bigay ng Maykapal ay nakarating kami sa GMA.
"Kasi dun sa amin, walang pumapansin sa amin. Kahit maghirap kami, walang tumutulong.
“Dito talaga sa GMA, ang dami-daming tumulong sa amin, kaya masasabi ko talaga na bigay ng Maykapal."
Sabi pa niya sa Cabinet Files, “Kasi bago niyo kami nakita, nagsimba muna kami. 'Tapos, umiyak ako doon. Lumuhod ako, humingi ako doon ng tulong.
"Nagtaka yung teacher, bakit daw ako umiiyak? Sabi ko, 'I surrender to God. I truly surrender to God.'
“Kinabukasan, dumating kayo, kaya sabi ko, kahit saang religion, nandoon nga si Jesus kasi dininig ng Diyos ang dasal ko, kaya gustung-gusto ko iyung 'Ikaw,'” ang emosyunal na pahayag ni Daisy.
FAITH IN GOD
Hindi nawawala ang taimtim na pananampalataya ni Daisy sa Diyos sa kabila ng mga hirap na pinagdaraanan nila ni Lovely.
"Wala akong ibang kakapitan kundi si God lang. Iyon lang ang naramdaman ko na nandiyan kaagad si God, tumutulong sa amin.
“Para po sa Panginoon na humihipo sa mga tao, tulad ninyo na natulungan kami, kasi iniisip ko po, wala na akong pag-asa.
“Yung anak ko, nagsasalita mag-isa. Sabi ko, 'Saan kaya ako pupunta?'
"Kaya po simula pa noon, ang kantang iyan, mahal ko iyan, kaya lang nahihirapan ako na mag-timing,” pahayag ni Daisy.
Umaasa siyang mabigyan ng oportunidad maging contestant ng "Wil To Win" dahil isa ito sa mga paraang naiisip niya para makaahon sila mula sa kahirapan.