"Ikinaloka" ng award-winning writer at ABS-CBN creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario ang 5.3K shares at 5K likes sa kanyang Facebook post tungkol kay Senator Ronaldo "Bato" dela Rosa.
Ayon kay Mel, natulog lamang siya noong February 18 ng gabi, Martes, pero paggising kinabukasan, February 19, naloka siya sa 5K shares sa FB post na bumulaga sa kanya.
Sa mga nagpoprotestang empleyado ng ABS-CBN laban sa diumano’y panggigipit ng gobyerno sa kanilang pinaglilingkurang kompanya, isa si Mel sa mga nag-post ng witty at funny reaction tungkol sa pahayag na ito ni Bato:
"Anyway, regardless kung ilan yun, what’s 11,000 compared to the whole Filipino nation na matagal nang sinamantalahan ng isang kumpanya kung talagang ma-prove ‘yan sa hearing na pinagsamantalahan ang sambayanang Pilipino."
Umani ng katakut-takot na batikos si Dela Rosa mula sa ABS-CBN supporters dahil sa opinyon nito tungkol sa Kapamilya Network, pero marami ring kampi sa senador ang pumuri rito.
Tulad ng isang tunay na Kapamilya, sinagot ni Mel ang senador pero sa nakatatawang paraan.
Ginamit ng screenwriter na halimbawa ang TV character na si Kokey sa kanyang sagot kay Senator Bato.
Sabi ni Mel sa kanyang Facebook post: "Ipapaalala ko lang na hindi nagkulang ang ABS sa’yo.
"1997 iniluwal ka at binigyang buhay. 2007 tinuring ka pang Bespren na Okey.
"2010 binuhay ka uli at minahal. 2017 inabala ka para tumingkad via digital restoration.
"'Tapos ganito isusukli mo sa lahat ng ginawa ng ABS. Bakit?
"Sana bumalik ka na lang sa planeta mo."
Si Kokey ang alien character na naging bida sa 2007 primetime series ng ABS-CBN.
Pero unang nabigyan ng buhay si Kokey sa pelikula ng Star Cinema gamit ang pangalang Kokey bilang titulo noong 1997.
Ikinukumpara ni Mel si Kokey kay Senator Bato dahil sa kanilang "resemblance."
Pero higit na kinatutuwaan ng Kapamilya employees ang alien character kesa sa senador na kritiko ng ABS-CBN.
Sa short conversation ng Cabinet Files kay Mel ngayong umaga, February 20, nilinaw nitong personal opinion niya ang pagkukumpara kay Kokey at sa senador.
"Basta opinion ko ito, personal, bilang kasama ako sa gumawa ng Kokey at Ako with Wenn [Deramas],” ani Mel.
Ang Kokey at Ako, na napanood sa ABS-CBN mula September 2010 hanggang December 2010, ang sequel ng 2007 fantasy drama series.
Nang itanong ng Cabinet Files kung posible bang muling magkaroon ng Kokey series na siya ang writer at si Senator Bato ang bida, walang pag-aalinlangan ang sagot ni Mel.
Aniya: "Oh my gosh, mas angkop ata ay original, entitled 'Bato Bato Pick!'"
Ilan sa mga pelikula na si Mel ang nagsulat ng screenplay ay: Sana Maulit Muli (1995), Basta's Kasama Kita (1995), Wanted: Perfect Mother (1996), Do Re Mi (1996), Dahil May Isang Ikaw (1999), Kailangan Ko'y Ikaw (2000), Pangako... Ikaw Lang (2001), Pagdating ng Panahon (2001), Magkapatid (2002), Ang Tanging Ina (2003).
Kasama rin dito ang Pangarap Ko Ang Ibigin Ka (2003), All My Life (2004), Paano Kita Iibigin (2007), Petrang Kabayo (2010), Of All The Things (2012), Girl Boy Bakla Tomboy (2013), Diary ng Panget (2014), Beauty and the Bestie (2015), at Miracle in Cell No. 7 (2019).