Magaganap bukas, February 24, ang unang pagdinig ng Senate Committee on Public Services sa renewal ng legislative franchise ng ABS-CBN at ang diumano’y mga paglabag ng network.
Si Senator Grace Poe ang chair ng Senate Committee on Public Services at imbitado sa hearing ang ilang mga personalidad mula sa entertainment industry.
Isang unity walk naman ang idaraos bukas ng umaga, 6:00 am, sa harap ng ABS-CBN compound na lalahukan ng mga empleyado at ng mga artista ng Kapamilya Network.
Kanselado ang taping ng ibang mga programa ng ABS-CBN para makadalo sa unity walk ang mga artista at production staff.
Nagsimula noong Valentine’s Day, February 14, ang protest rally ng mga empleyado at supporters ng ABS-CBN na nanawagan na i-renew ang franchise application ng Kapamilya Network.
“No to ABS-CBN Shutdown, Save ABS-CBN Workers, at Defend Press Freedom,” ang mga nakasulat sa placards na ginawa at hawak ng mga empleyado ng ABS-CBN.
Muling nangyari ang protest rally ng Kapamilya employees and stars noong Biyernes, February 21, na dinaluhan nina Jericho Rosales, Romnick Sarmenta, Coco Martin, Yassi Pressman at ng mga artista ng Ang Probinsyano.
Naging dramatic ang protest rally noong Biyernes dahil pinaligiran ng mga empleyado ang ABS-CBN compound habang hawak nila ang mga nakasinding kandila.