Ang TV Patrol Star Patroller na si Ganiel Krishnan ang host, at celebrity judges naman sina Mark Manicad ng Ang Probinsyano, JM Canillas, Francine Garcia, at ang It’s Showtime Miss Q& A winner na si Juliana Parizcova Segovia sa Rampa sa Kawit Street Dancing Competition at Rampa sa Kawit Amazing Talent Show.
Dalawa ito sa malalaking event ng Love Without Boundaries in Kawit, ang Pride March na magaganap ngayong Sabado, February 29, 2:30 p.m., sa Freedom Park ng Liwasang Aguinaldo sa Kawit, Cavite.
Proyekto ni Kawit Mayor Angelo Emilio Aguinaldo ang Pride March para sa LGBTQIA communities sa 1st District ng Cavite, dahil sa kanyang paniniwalang dapat tanggapin at yakapin ang lahat ng tao, anuman ang sexual orientation nila.
Maaaring sumali sa Street Dancing Competition at Kawit Amazing Show ang lahat ng mga miyembro ng LGBTQIA na residente ng Kawit, Rosario, Noveleta, at Cavite City.
Seventy-five thousand pesos ang premyong matatanggap ng mananalo sa Street Dancing Competition, at P50,000 ang ibibigay sa magwawagi sa Kawit Amazing Talent Show.
Bilang paghahanda at pag-iingat sa banta ng COVID-19, may mga thermal scanner at alcohol sa pagdarausan ng Love Without Boundaries bilang proteksiyon sa manonood.
Nagkaroon ng katuparan ang Love Without Boundaries dahil sa pagtutulungan ng local government ng Kawit, Municipal Department of Social Welfare and Development (MSWD), at Kawit Public Information Office (Kawit PIO), at ng LGBT communities ng Noveleta, Rosario, at Cavite City.