Ang kapakanan at kalusugan ng lahat ang main concern, ayon kay Willie Revillame, kaya pabor siya sa desisyon ng Eat Bulaga! management na huwag munang tumanggap at magpapasok ng studio audience.
Plano ni Willie makipag-meeting sa GMA-7 management para mapag-usapan ang precautionary measures na ipatutupad laban sa tumitinding banta ng COVID-19 sa ating bansa.
Ang COVID-19 ang pangunahing dahilan kaya sinuspinde ang mga klase sa National Capital Region mula ngayong Martes, March 10, hanggang Linggo, March 14.
"Makikipag-usap muna ako sa GMA-7 management kung ano ang plano nila.
"For me, dapat talagang wala munang audience," sagot ni Willie sa mensaheng ipinadala ng Cabinet Files sa kanya ngayong umaga.
Naranasan na ni Willie mag-live broadcast ang kanyang toprating game show na Wowowin na walang studio audience.
Nangyari ito noong January 27, 2020, ang kanyang kaarawan na iniukol niya sa mga biktima ng pagputok ng Taal Volcano.
Kung sakaling magdesisyon ang GMA-7 management at si Willie na ihinto muna ang pagpapapasok ng audience sa studio ng kanyang game show, tiyak na malulungkot ang ating mga kababayan mula sa malalayong lugar na lumuluwas sa Quezon City para makita nang personal ang Wowowin host at sa kanilang pangarap magkaroon ng bagong pag-asa.
Pero siguradong maiintindihan nilang para sa ikabubuti nila ang gagawing pag-iingat laban sa banta ng COVID-19.