Sinagot ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang isyung "masyado niyang ginagalingan" ang paghahatid ng serbisyo-publiko kaya ikinukumpara siya sa ibang mayors sa Metro Manila.
Pakiusap ni Sotto, huwag ikumpara sa isa’t isa ang mga local government unit (LGU).
"Sana huwag na nating ikumpara sa isa’t isa yung mga LGU.
"Kung constructive, okey lang naman, kasi alam niyo, dito kami sa Pasig, kapag may nakikita po kaming magagandang practice sa ibang LGU, ginagaya po rin namin.
"Halimbawa po, yung anti-panic buying and hoarding ordinance sa Valenzuela City, in-adapt po namin sa Pasig, ginaya po rin namin.
"Kaya kailangan po, yung mga LGU, hindi po dapat negatibo yung comparison kundi magtulungan na lang po kami."
Ngayong Huwebes ng gabi, March 19, nakapanayam si Sotto ni Jessica Soho para sa 24 Oras, ang primetime newscast ng GMA-7.
Hindi rin minasama ng Pasig City mayor ang pagkontra ng Malacañang Palace sa kanyang hiling na ma-exempt sa transportation ban ang mga tricycle sa kanyang siyudad.
Ito sana kasi ang proposal ni Sotto para maihatid ang mga may sakit at healthcare workers sa ospital.
Paliwanag pa niya: "Kami ho dito sa Pasig, magko-comply sa kahit anong direktiba ng ating national na pamahalaan.
"Kaya lang po ako nagsalita kahapon, para lang po marinig nila ang pananaw namin, yung experience namin sa ground.
"Pero at the end of the day, when you got one policy sa NCR, sa buong Luzon, magko-comply po kami kung anong sabihin sa atin ng national na pamahalaan."
May suot na protective gear si Sotto sa interbyu sa kanya ni Jessica dahil nasa quarantine facility siya para sa mga person under investigation (PUI) at person under monitoring (PUM).
Ibinalita ni Sotto na ipinagamit ng mga may-ari ang Dahlia Hotel bilang quarantine facility.
"This can house up to 300-plus people para makasiguro po tayo na yung mga naka-quarantine natin ay nababantayan at hindi po nakakasalamuha pa ng ibang tao.
"Wala na pong ibang close contact."