Riding-in-tandem ang suspek sa pamamato sa bahay ng isang pamilyang may COVID-19 sa Poblacion area, Lambunao, Iloilo.
Ito ay ayon kay Police Major Jogen Suegay ng Lambunao Police nang makausap sa telepono ng Cabinet Files ngayong Lunes ng hapon, April 6.
Nangyari ang insidente bandang 8:45 p.m. noong Sabado, April 4.
Saad ni Suegay, “Naka-house quarantine naman po yung mga biktima.
"Dinaanan lang yung bahay nila, saka binato.
"Hindi naman sila nasaktan, yung bahay lang nila ang tinamaan."
Dagdag ng police major: “Base sa investigation namin, dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang suspects.
"Hindi pa sila nahuhuli dahil late na yung pag-report sa amin."

Para hindi maulit ang insidente, binabantayan na ng Lambunao Police ang bahay na tinitirhan ng pamilyang nagpositibo sa COVID-19.
"Sa ngayon po, nasa bahay pa rin nila yung mga pasyente, pero naka-quarantine sila, at mino-monitor sila ng rural health officers natin.
"Para maiwasan ang insidente, yung mga security measure po natin na ginagawa, together with the Department of Health, and of course our NDRRMC, with the support of our local chief executive—binabantayan po natin yung bahay para hindi makalabas yung COVID-19 patients.
"Mino-monitor din po sila ng Department of Health natin, pinupuntahan po sila kung ano ang kailangan nila,” dagdag na pahayag ni Suegay.
Ang NDRRMC ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council.