Nag-viral noong April 1 ang litrato ng windmills sa Pililla, Rizal na kuha ni Donald Pancho mula sa condominium building na tinitirhan niya sa Pasay City.
Marami ang humanga sa picture-perfect windmills dahil malinaw na malinaw itong nakunan ni Donald.
Ito ay kahit 56.2 kilometers ang distansiya sa pagitan ng Pasay City, Metro Manila at Pililla, Rizal.
Mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine sa Luzon, malinaw na nabawasan ang polusyon kaya naging malinis ang hangin.
Mula sa Metro Manila, klarong-klarong makikita ang windmills sa Pililla, ang krus sa Mount Samat sa Bataan, at ang bundok ng Sierra Madre.
VIEW FROM SAN PEDRO, LAGUNA
Sa San Pedro City, Laguna, malinaw ring nakikita ang windmills sa Pililla, Rizal!
Ito ay sa kabila nang mas malayong distansiya—75 kilometers—sa pagitan ng mga nabanggit na siyudad at bayan.
Gamit ang kanyang Huawei P30 Pro cellphone camera, kinunan ni Jaypee Salaysay ng litrato ang Pililla Windmills noong April 6, 3:45 p.m.
Pumuwesto siya sa mataas na bahagi ng Diocesan Shrine of Jesus in the Holy Sepulchre sa Barangay Landayan, San Pedro City.
Minsan nang nakarating si Jaypee sa Pililla kaya pamilyar na pamilyar siya sa popular landmark ng bayan.
Umakyat si Jaypee sa upper part ng simbahan nang kunan niya ng litrato ang breathtaking scenery para hindi mahagip ng camera ang mga kable sa mga poste.
Kuwento ni Jaypee sa Cabinet Files, "Nasa simbahan po ako, at noong nasa upper part ako, napansin ko na tanaw na tanaw ang mga windmill kaya naisipan kong kunan ito ng picture.
"Umakyat pa po ako sa mas mataas na lugar upang makakuha ng mas magandang larawan."
Namangha raw si Jaypee sa tanawing tumambad sa kanya.
"Namangha po ako at lubos na natuwa dahil ang laki nang ipinahinga ng Inang Kalikasan.
"Sobrang linis at payapa ng hangin, walang bumabalot na mga usok.
"Feeling ko din po noon, na ang kalikasan, lalo na ang himpapawid, ay talaga namang nakapagbakasyon nang sobra at nakahinga.
"Kaya naman po ay ibinahagi ko ito sa netizens upang makita rin nila yung kagandahan ng paligid sa tuwing nakakapagpahinga ang kalikasan."
Sa kabila nito, may lungkot ding naramdaman si Jaypee.
Alam daw kasi niyang pansamantala lang ang view na kanyang napagmasdan.
"Nalungkot lang din ako dahil siguradong hindi ito magtatagal.
"Babalik na naman sa dati dahil sa kapabayaan ng tao.
"Pero sana maging hamon ito sa bawat isa, lalo't higit sa pamahalaan," pahayag ni Jaypee nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Biyernes, April 17.