Ngayong araw, April 19, ang kaarawan ni Dexter Joyosa, pero hindi na siya makapagdiriwang dahil pumanaw siya kahapon, April 18 ( April 19 ng umaga sa Pilipinas).
Kinumpirma ni Jim Walker ng Cruise Law News na COVID-19 ang sanhi ng pagkamatay ni Joyosa, na crew member ng Oasis of the Seas.
Mag-isa siyang binawian ng buhay sa isang ospital sa Fort Lauderdale, Florida, kung saan siya isinugod nung nag-positibo siya sa COVID-19.
Ang Royal Caribbean Cruises ang employer ni Joyosa, at nagtatrabaho siya bilang bartender sa Oasis of the Seas mula pa noong 2012.
Nagluluksa ang mga kasamahan ni Joyosa sa trabaho at ang kanyang pamilya na malungkot na malungkot dahil binawian siya ng buhay ilang oras bago ang kaarawan niya.
Madamdamin ang farewell Facebook post ni Mihai Claudiu tungkol sa pagkawala ni Joyosa dahil isa siya sa mga huling nakausap ng nasawi bago ito dinala sa Broward Health Medical Center sa Fort Lauderdale.
Si Claudiu ang manager ng bar na pinagtatrabahuan ni Joyosa.
"One of my tigers from COVID-19 Warriors passed away. I feel very bad, very bad [because] I could not do anything, as you trust me and you called me on the phone before you left the ship and told me, ‘Boss Mihai, please help me…Boss Mihai, please help me,” ang kuwento ni Claudiu tungkol sa huling pagkakataon na nakausap niya ang katrabaho.
Si Joyosa ang unang Pilipino na crew member ng Royal Caribbean Cruises na namatay dahil sa COVID-19.
Hindi pa tiyak kung na-cremate na ang kanyang mga labi na lalong naghatid ng matinding kalungkutan sa mga mahal niya sa buhay na gusto siyang makita sa huling sandali.