May pasabog na news ang 45-year-old comedienne na si Mahal.
Hiwalay na sila ng lalaking pinakasalan niya noong November 2, 2015, Araw ng mga Patay.
Tila hindi naisip ni Mahal na isang masamang pangitain ang petsa ng kanilang pagpapakasal dahil namatay agad ang pagmamahalan nila ng kanyang dating karelasyon.
Apparently, hindi maayos ang paghihiwalay ng dalawa dahil ayaw nang banggitin ni Mahal ang pangalan ng kanyang ex-husband.
"Saglit lang yun, huwag na nating pag-usapan. Nanahimik na siya," pakiusap ni Mahal nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong araw, April 22.
May plano ka bang mag-file ng annulment?
Sagot niya, "Okey na, inaayos ko na ang tungkol sa kasulatan na ginawa ko noong August 31, 2019."
May balak ka pa bang magmahal o mag-asawa muli?
"Hindi ko pa alam, pero ang daming nagtsa-chat sa akin.
"Hindi ko sila pinapansin, busy ako sa pagti-TikTok ko," ang confidently beautiful statement ni Mahal.
MAHAL WANTS TO GO BACK TO WORK
Hiling ni Mahal na matapos na ang enforced quarantine dahil gustung-gusto na niyang magtrabaho.
Kasama si Mahal sa cast ng Owe My Love, ang bagong programa ng GMA-7 na pinagbibidahan nina Lovi Poe, Benjamin Alves, at Ai-Ai delas Alas.
Pero hindi natuloy ang kanyang taping dahil sa banta ng COVID-19.
Nakansela rin ang show niya sa Cabucgayan, Leyte noong April 2.
Sa kagustuhang bumalik na sa normal ang pamumuhay ng lahat, sineseryoso ni Mahal ang quarantine.
Limitado ang paglabas niya ng bahay.
Bilang patunay na nagpa-practice siya ng social distancing, nagpadala si Mahal ng litrato ng maliit na upuan na kanyang ginagamit sa pagpila kapag may dumarating na relief goods sa kanilang lugar.
Ipinadala rin ni Mahal ang larawan nito habang nakasuot ng facemask.
Patunay raw itong ginagawa niya ang kanyang mga sinasabi, kasama ang paliwanag na bago ang litrato dahil "nag-ayos ako ng kilay."
Nagbahagi si Mahal ng ilang tips para hindi na magkaroon ng extension ang quarantine.
Aniya, "Maghugas palagi ng kamay at magpahid ng alcohol para hindi magkasakit.
"Sana sumunod ang lahat ng mga tao sa ipinag-uutos na huwag lumabas ng bahay para matapos na ang COVID-19."
Dagdag ni Mahal, "Saludo rin ako sa mga frontliner, ang mga nurse, sundalo at pulis."
At para hindi naman siya mabagot sa matagal na pananatili sa loob ng tahanan nila sa Tandang Sora, Quezon City, ang paggawa ng TikTok videos ang pampalipas-oras ni Mahal.
"Libangan ko ang TikTok para hindi ko mamalayan ang COVID-19," sabi ni Mahal.