PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Mas malaking problema kung dumating ang COVID-19 sa panahon ng tag-ulan sa Pilipinas

Dapat paghandaan ng mga Pilipino ang pagdating ng tag-ulan.
by Jojo Gabinete
Published Apr 26, 2020
Nathaniel Cruz reporting
Paalala ng resident meteorologist ng GMA Network, Inc. na si Nathaniel "Mang Tani" Cruz: "Dapat na paghandaan ng mga lokal na pamahalaan [kasama na ang national government] ang pagdating ng mga bagyo sa gitna ng pakikipaglaban natin sa COVID-19."
PHOTO/S: @mangtanicruz instagram

Mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon noong March 16, naging maaliwalas ang paligid at ang kalawakan.

Nawala kasi ang polusyon na hatid ng mga usok ng mga sasakyan at mga factory.

Malaki ang kontribusyon ng greenhouses gases (carbon dioxide, methane, surface-level ozone, nitrous oxides, and fluorinated gases) sa climate change at global warming.

Kaya hiningi namin ang opinyon ni Nathaniel Cruz a.k.a. Mang Tani, ang resident meteorologist ng GMA Network Inc., tungkol sa epekto ng ECQ sa klima ng ating bansa.

“Malaki ang nabawas na pollutants sa iba't ibang bahagi ng mundo dahil sa lockdown, pero hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang problema natin sa climate change,” ang unang sagot ni Mang Tani sa listahan ng mga tanong na ipinadala sa kanya ng Cabinet Files.

"Ito ay pansamantala lamang, dahil sa dami at tagal na ng pagbubuga natin ng usok at iba pang greenhouse gases (GHG) sa kalawakan [atmosphere] ay nagkaroon na ito ng epekto sa global climate system.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Hindi madaling mawawala ang epekto ng pagbabago ng klima sa tao, kasama na ang Pilipinas.

"Pagkatapos ng pandemic na ito ay muling magbubukas ang mga factory, ang paggamit ng mga sasakyan, at iba pang gawain ng tao, kaya magbubuga uli ng greenhouse gases sa kapaligiran na patuloy na makakaapekto sa klima ng mundo.

"Ang panawagan ng mga environmentalists ay maging isa rin ang mundo sa isyu ng climate change tulad ng pagkakaisa sa paglaban sa coronavirus,” paliwanag ni Mang Tani.

Panahon ng tag-init nang dumami ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa, kaya masasabi na mapalad pa rin ang mga Pilipino.

Lalo na kung may katotohanan ang report ng Agence France-Presse (AFP) noong April 24 na madaling mapupuksa ng sikat ng araw ang coronavirus base sa pag-aaral na ginawa ng mga government scientists ng Amerika.

"Our most striking observation to date is the powerful effect that solar light appears to have on killing the virus, both surfaces and in the air.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"We've seen a similar effect with both temperature and humidity as well, where increasing the temperature and humidity or both is generally less favorable to the virus," ang pahayag ni William Bryan, ang science and technology advisor to the secretary ng Department of Homeland Security, sa report na inilabas ng AFP.

Kung dumating sa Pilipinas sa panahon ng tag-ulan ang coronavirus, tiyak na malaking problema ito.

Ito ay dahil sa mga bagyo o super typhoons na nagdudulot ng pagbaha, pagkasira ng pananim, kabuhayan, at pagkawala ng buhay.

Noong nakaraang taon, 2019, dalawampu ang bilang ng mga bagyo na naranasan ng mga Pilipino.

Kaya ang forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) tungkol sa mga parating na kalamidad sa mga susunod na buwan ang itinanong ng Cabinet Files kay Mang Tani.

Tanong namin: "May possibility po ba na makaranas tayo ng mga super typhoon na dulot ng climate change o magbabago na rin ito dahil sa sinasabi na Mother Earth is healing na epekto ng Enhanced Community Quarantine o lockdown?"

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Sagot ni Mang Tani: "Wala tayong inaasahan na El Niño ngayong 2020.

"Kaya maaring normal ang dami ng bagyo ngayong taon [20 tropical cyclones] pero hindi dahil sa healing effect ng lockdown.

"Laging nandiyan ang posibilidad na magkaroon ng malakas o super typhoon.

"Pero kung minsan, hindi kinakailangan ang isang malakas na bagyo para magdulot ng matinding pinsala o kumitil ng maraming buhay tulad ng mga bagyong Usman [2018] at bagyong Ursula [2019], na hindi mga super typhoon pero maraming buhay ang nawala dahil sa ilang simpleng dahilan.

"Ang dalawang nabanggit na bagyo ay dumaan sa mga araw na abala ang mga tao sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon kaya hindi masyadong nakatuon ang pansin sa paghahanda sa bagyo.

"Dapat na paghandaan ng mga lokal na pamahalaan [kasama na ang national government] ang pagdating ng mga bagyo sa gitna ng pakikipaglaban natin sa COVID-19."

Ang mga paalala ni Mang Tani ay sapat na dahilan para paghandaan ng lahat ang nalalapit na pagsisimula ng tag-ulan sa ating bansa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Lalo pa’t walang katiyakan kung kailan malulutas ang problema ng mundo sa coronavirus pandemic, na matatapos lamang kapag may natuklasan nang vaccine o gamot.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Paalala ng resident meteorologist ng GMA Network, Inc. na si Nathaniel "Mang Tani" Cruz: "Dapat na paghandaan ng mga lokal na pamahalaan [kasama na ang national government] ang pagdating ng mga bagyo sa gitna ng pakikipaglaban natin sa COVID-19."
PHOTO/S: @mangtanicruz instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results