“Opo, diretsong-diretso at unat na unat, bukod pa sa makintab.”
Ito ang sagot ni Bocaue, Bulacan Kagawad Rico Navarro nang kumustahin ng Cabinet Files ang buhok ng babaeng lumabag sa ipinatutupad na curfew.
Ginabi ng uwi ang babae matapos magpa-rebond ng buhok sa isang beauty salon.
Nangyari ang insidente noong April 20, 9:30 p.m.
Headline ang istoryang ito sa 24 Oras Weekend ng GMA-7 kahapon, April 26.
Si Navarro at mga kasamahan ang sumuway sa babae habang nagsasagawa sila ng routine barangay patrol na may kaugnayan sa COVID-19 Heal As One Act.
Nang kausapin ni Navarro, inamin ng babae na ito ay nagpa-rebond ng buhok kaya ginabi at, pag-amin din niya, ang perang natanggap mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan ang kanyang ginamit sa pagpapa-rebond.
Ang bawat benepisaryo ng SAP ay nakakatanggap ng mula P5,000 hanggang P8,000 sa mga buwan ng Abril at Mayo.
Tinanong namin ang kagawad kung dapat baguhin ang sistema sa pagbibigay ng financial assistance sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Sagot ni Navarro, "Dapat talaga matuloy na ang National ID System dahil marami talaga ang mga kawawa na hindi nabigyan ng ayuda na most deserving, kesa sa mga malalapit sa kapitan."
Hindi itinanggi ni Navarro na nauunang makinabang sa SAP ang mga malalapit sa kapitan o barangay chairman.
"Hindi mawawala ang ganoong kalakaran dahil ang kapitan ang namimili at pumipirma sa huli sa mga bibigyan ng ayuda," sabi ni Navarro sa panayam sa kanya ng Cabinet Files sa pamamagitan ng Facebook messenger ngayong umaga, April 27.
Isa lamang ang babaeng nagpaunat ng buhok sa maraming kaso ng mga kababayan nating nakinabang sa SAP, pero ginamit sa luho at bisyo ang perang ipinagkaloob ng DSWD.
Kaya nanawagan si Kagawad Navarro na gamitin nang wasto ang perang nakuha.
Saad niya, "Mahirap ang buhay ngayong lockdown, walang work at lahat ay naghihirap.
"Ang payo ko lang sa mga nakatanggap ng ayuda mula sa DSWD, gamitin nang wasto ang perang nakuha."
Mahigpit na ipinaiiral ni Navarro at ng kanyang kasamahan ang mga ordinansa para hindi kumalat ang COVID-19 sa kanilang lugar.
Bukod sa babaeng lumabag sa curfew, marami na raw silang hinuli dahil sa hindi pagsusuot ng face mask, pagsusugal, at pag-inom ng alak.
Bilang tulong sa kanyang mga kabarangay, namimigay raw si Navarro ng mga food supplement at calcium vitamins na hiningi niya sa Pasay City Host Lions Club.