Bumalik na sa ere ang Umagang Kay Ganda, ang morning show ng ABS-CBN, simula nitong Lunes ng umaga, May 4.
Pero mahigpit na pinairal ng co-hosts na sina Anthony Taberna, Jorge Cariño, at Jeff Canoy ang social distancing sa studio.
Hindi kumpleto ang mga host ng UKG dahil "work from home" ang ilan, gaya nina Amy Perez at Gretchen Ho, na via online ang broadcast ng kanilang mga segment.
Walang ipinagkaiba ang sistema ng UKG sa katapat na programa nito, ang Unang Hirit ng GMA-7.
Sumusunod din sa social distancing protocol ang mga hosts na sina Arnold Clavio, Susan Enriquez, at Connie Sison.
Ang mga pagbabagong napanood sa mga morning show ng ABS-CBN at GMA-7 ang simula ng "new normal" sa live shows sa telebisyon.
Una itong ginawa ni Willie Revillame nang bumalik sa ere noong April 13 ang kanyang game show na Wowowin.
Dahil sa bawal ang live studio audience, naging talk show at public service program ang format ng Wowowin habang nakadeklara ang Enhanced Community Quarantine.
"LOCKDOWN" SA TAPING/SHOOTING?
Pinagpaplanuhan na ng mga TV networks ang dahan-dahang pagbabalik ng kanilang mga programa.
Pero tiyak na may mga malalaking pagbabagong magaganap alinsunod sa COVID-19 pandemic.
Pinag-aaralan ng mga executives ng isang TV station ang posibilidad na pagre-resume ng taping ng kanilang top-rating series.
Tinitingnan ng mga executive kung puwedeng kunan sa soundstage ang mga eksena ng teleserye. Ibig sabihin nito ay hindi sila maglo-location shooting kundi magti-taping sa loob ng studio.
Kung location shoot naman, pinag-aaralan din kung papayag ang mga artistang “i-lockdown” sila sa lugar para mas kontrolado ang environment.
Nanganganib namang mawalan ng trabaho at mabawasan ang production staff ng isang TV network dahil sa plano ng management na magbawas ng tauhan.
Kailangan kasing makontrol ang bilang ng tao sa set bilang proteksyon pa rin laban sa coronavirus pandemic.
SUGGESTED GUIDELINES ON THE SET
Noong May 2, naglabas ang U.S. online news na Deadline.com ng artikulo tungkol sa rekomendasyon ng Film Florida para sa isang ligtas na set sa panahon ng COVID-19.
Puwede itong tularan ng mga television network at film companies sa Pilipinas kapag nanumbalik na ang production ng kanilang mga programa at pelikula.
Narito ang kanilang suggested guidelines sa set:
- Gumamit ng monoblock chairs para mas madaling ma-disinfect.
- Limitahan ang takes sa isang eksena para iwasan ang "standing around/congregating time."
- Siguraduhing maluwag ang stand-by areas sa pamamagitan ng paggamit ng malalaking tents na may portable A/C.
- Magtakda ng istriktong schedule sa call time at siguruhing essential people lang ang nasa set.
- I-limit sa dalawang tao ang gagamit ng service van.
- Gumamit ng protective gear tulad ng gloves at mask, tulad halimbawa sa prep time ng makeup artists at celebs. Siguruhing nasusunod ang social distancing.
- Gumamit ng disposable make-up kits at brushes. Itapon ang kit kada application. Posible ring irekomenda na kanya-kanya ng dala ng makeup/grooming kit ang bawat aktor para maiwasan ang cross-contamination.
- Lagyan ng label ang gagamiting mic kada tao
- Hangga't maaari ay gumamit ng boom-only audio. Mag-assign ng isang tao na maglalagay at magtatanggal ng lahat ng location signs.
- Para sa intimate scenes, sigurahin na COVID-19 negative ang mga aktor at nakapagsumite sila ng medical certificate na clear sila.