Sumakabilang-buhay si Lady Valerie, sa edad na 69, nitong Biyernes ng madaling-araw, May 8.
Si Lady Valerie—Valentino Rios Torillo sa totoong buhay—ay ang talented transgender singer-musician ng Lady Valerie and Her Orchestra.
Sumikat ang kanilang grupo noong dekada '80s at '90s.
Kinikilala ang husay ni Lady Valerie sa pagtugtog ng piano at electric organ.
In-demand performer ang kanilang banda sa mga ballroom dancing.
Ang pinsan ni Lady Valerie na si Adrian Rios, isang fashion designer, ang nagkumpirma sa Cabinet Files ng pagpanaw ng popular singer.
Heart attack daw ang ikinamatay ng musician.
"I also learned from a mutual cousin that she died early at dawn, atake daw.
"Right now, nasa funeral home siya in Cavite, and bukas ang cremation niya.
“No schedule of wake yet, maybe after lockdown.
"Yun pa lang ang details na natanggap ko from their immediate family," sabi ni Rios sa panayam ng Cabinet Files ngayong hapon.
Naulila ni Lady Valerie ang kanyang ina at apat na kapatid—dalawang babae at dalawang lalaki.
Kapatid din ni Lady Valerie si Antonio Torillo, ang eagle scout na kasama sa mga nasawi sa bumagsak na eroplano (United Arab Airlines Flight 869) sa Arabian Sea noong July 28, 1963.
Papunta noon ang Philippine delegates sa 11th World Scout Jamboree sa Marathon, Greece.
Dalawampu’t dalawang boy scouts at tatlong scout masters ang namatay sa trahedya na ipinagluksa ng Pilipinas.
Bilang paggunita sa mga nasawi, isang monumento para sa kanila ang itinayo sa rotonda ng Timog Avenue at Tomas Morato, Quezon City.
Ipinangalan din sa mga pumanaw na boy scouts at sa scout masters ang mga kalye sa Barangay South Triangle, Quezon City.