Tumanggap ng mga batikos si House Deputy Speaker Rodante Marcoleta dahil sa paggamit niya ng videos ng Kapamilya stars na sina Kim Chiu at Vice Ganda sa House hearing ng broadcast franchise ng ABS-CBN.
Nangyari ito noong Martes, Mayo 26, 2020, nang ipinalabas ng kongresista ang "Bawal Lumabas" video ni Kim bilang parte ng opening statement.
Sa kanya namang closing statement, ipinalabas ng Sagip Party List representative ang video ni Vice na naghahamon kay Pastor Apollo Quiboloy na ipahinto ang traffic sa EDSA at ang pagpapalabas ng Ang Probinsyano.
Samantala, umani ng mga pagpuna si Vice dahil sa kanyang "Take the congressman as a joke" tweet para kay Marcoleta.
Sinabihan si Vice na hindi na natuto sa nangyari sa pabirong hamon niya kay Quiboloy noong November 5, 2019.
Imbes na ipakita ni Marcoleta kung nainsulto siya sa pahayag ni Vice, nagbitiw ito ng mga positibong salita para sa Kapamilya comedian-TV host.
"With the avalanche of people's support to what I believe is right, I wish Vice Ganda well and Godspeed," saad ni Marcoleta nang hingan ng Cabinet Files ng reaksiyon sa tweet ni Vice.
MARCOLETA ON KIM CHIU VIDEO
Eksklusibong nakausap ng Cabinet Files si Marcoleta ngayong Huwebes, May 28, dalawang araw matapos mag-trending ang statement nito, na sinabing distasteful dahil sa paggamit ng mga video nina Kim at Vice.
Dahil hindi nagpaliwanag ang PDP-Laban partymate ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit niya isinama ang video nina Kim at Vice sa isang congressional hearing, ito ang unang tinanong namin sa kanya.
Sa aming panayam, ipinaliwanag ni Marcoleta na ginamit niya sa presentation ang mga video para raw malinawan sa publiko ang kanyang mensahe.
Pahayag niya, "Sa tingin ko kasi, mas madali kong maire-relate ang pinakabuod ng aking position sa linya ni Ms. Kim Chiu na ‘Kapag hindi ka nag-comply sa batas, hindi ka dapat lumabas.’
"Ang bone of contention lang naman kasi dito ay ang hindi pag-comply ng ABS-CBN sa prangkisa nito kaya, gaya ng linya ni Ms Chiu, hindi na rin ito dapat magpalabas.
"Ang layunin ko ay maiparating ko nang maliwanag sa karaniwang tao ang aking mensahe.
"An effective communication is all about attracting the attention of your target audience—the people.
"That very simple line of Ms. Chiu provided a very important link to the people's consciousness.
"There was no offense meant to anyone in the analogy."
Nakaranas man ng mga batikos, tumanggap din ang kongresista ng mga papuri at suporta mula sa mga kirtiko ng ABS-CBN at mga tagasuporta ng pamahalaang Duterte.
"Honestly, I did not expect the outpouring of support given the intimidating influence of the biggest network in the country.
"It was a humbling experience, and I could not believe this was happening," sabi ni Marcoleta.
Karamihan ng mga akusasyon ni Marcoleta laban sa ABS-CBN ay mga luma nang isyu.
Nasagot na ang mga ito ng pamunuan ng network, at pinabulaanan na mismo ng iba't ibang kagawaran ng gobyerno.
Ngunit ayaw tantanan ni Marcoleta, isang miyembro ng Iglesia Ni Kristo, ang mga gasgas na punto.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)