Hindi makapaniwala ang dating aktor na si Patrick dela Rosa na 37 taon na ang nakalilipas mula nang ipatawag siya ni Lily Yu Monteverde para papirmahin ng build-up contract bilang Regal baby.
Ipinahanap si Patrick ni Mother Lily, ang tawag sa matriarch ng Regal Films, matapos mapanood ng film producer ang Close Up commercial niya noong 1983.
Nineteen years old lang si Patrick noon.
Isinilang at nagkaisip si Patrick—Perfecto dela Rosa ang tunay na pangalan—sa Oriental Mindoro.
St. Patrick's Day (March 17) nang ma-discover siya ni Mother Lily, kaya ginawang Patrick ang screen name niya.
“Kinontak niya yung agency, J.Walter Thompson," kuwento ni Patrick tungkol sa pagsisimula ng kanyang career. "Pinapunta ako ni Mother Lily sa bahay niya sa Greenhills.
“Noong ipinatawag ako ni Mother, naroroon sina Maricel Soriano, Snooky, at William Martinez, talagang hinintay nila ang pagdating ko.
“Gusto nila akong makita dahil bagong Regal baby nga. Sabi ni Mother, ‘O, darating yung bagong Close Up boy.’
"Nang ipakilala ako ni Mother sa kanila, talagang na-starstruck ako. Napapanood ko lang sila, kaharap ko na."
RELUCTANT ACTOR
Ayon kay Patrick, parang isang panaginip ang nangyari dahil walang-wala raw sa pangarap niya ag pag-aartista.
“Hindi ko pangarap. Never ko naisip na magiging artista ako. Hindi ko inambisyon.
"Pero noong time na yun, ang paborito kong artista, si Al Tantay, dahil siya ang palaging napapanood ko. Tuwang-tuwa ako sa kanya."
Kuwento pa ni Patrick, "AB Economics student ako noon sa San Sebastian College.
"Ang daddy ko kasi, military, so very strict siya sa amin.
"Ang gusto niya talaga, maging engineer ako, kaso hindi ko gusto. Yung brother ko, naging successful engineer.
“Ang nanay ko ang supportive sa akin. Very conservative siya at religious.
"Later on, hindi na kumontra ang father ko sa pag-aartista ko, pero mas gusto niyang makatapos ako ng pag-aaral. Palagi niya akong nire-remind na mag-aral pa rin."
Kalaunan, si Patrick ay naging board member ng Oriental Mindoro, kung saan kilala ang kanilang pamilya.
FAVORITE MOVIES
Ang Shame (1983) at Hepe: Hindi Ka Na Sisikatan ng Araw (1990) ang dalawa sa paboritong pelikulang ginawa ni Patrick.
Ang Shame ang unang pelikula niya, at bida sila agad dito ng baguhan din noong bold star na si Claudia Zobel.
Pumanaw si Claudia noong 1984 sa isang car accident.

Nagkaroon naman si Patrick ng best-supporting actor nomination para sa Hepe, na pinagbidahan ni Eddie Garcia.
Kuwento ni Patrick tungkol sa first movie niya, "Noong first day ng shooting ng Shame, para akong nananaginip.
"Hindi ko maintindihan ang feeling. 'Totoo ba ito? Artista na ako?'
"Hindi ako makapaniwala na nasa movies na ako, tapos ididirek ako ni Direk Elwood [Perez].
"Parang yun na ang pinakamasayang moment na nangyari sa buhay ko—noong naging artista ako."
Noong nagsisimula si Patrick sa showbiz ay nalinya siya sa sexy movies.
Maliban sa Shame, ang iba pang sexy movies na ginawa niya ay ang Uhaw Sa Pag-ibig (1984), Sinner Or Saint (1984), Harot (1984), Take Home Girls (1984), Bedtime Story (1984), Climax (1985), White Slavery (1985), Beware: Bed Sins (1985), at Kiri (1986).
Noong late '80s hanggang noong '90s ay nalinya naman si Patrick sa action fiilms.
Kabilang dito ang Baril, Matalik Kong Kaibigan (1988), Target... Police General: Major General Alfredo Lim Story (1989), Hanggang Saan Ang Tapang Mo (1990), Estribo Gang (1992), Lacson, Batas ng Navotas (1992), Beloy Montemayor Jr.: Tirador ng Cebu (1993), Enteng Manok: Tari ng Quiapo (1993), Maestro Torribio: Sentensyador (1994), Batas ang Katapat Mo (1995), Bastardo (1997), at Ping Lacson: Supercop (2000),
Minahal ni Patrick ang acting profession dahil nagbukas ito ng maraming oportunidad sa kanya.
Nang dahil sa showbiz, nagkaroon siya ng mga negosyo at naranasan niyang maging public servant.
Pero nagsalita siya nang tapos na wala na sa kanyang planong balikan ang entertainment industry.
"To be honest, may times na nami-miss ko ang showbiz, nami-miss kong umarte.
"Kaya lang, if you will ask me now na bumalik sa showbiz, ayoko na.
"No more na. Hindi na ako interesado," saad niya.
PATRICK'S SON
Ironically, kabaligtaran ito ng kanyang anak na si Patrick Kyle, na gustung-gustong sundan ang yapak ni Patrick sa showbiz.
Si Kyle ay anak ni Patrick sa dating aktres na si Kookoo Gonzales.
Saad ni Patrick, "Four or five years ago, gustung-gusto niyang mag-artista. Pero ang sabi ko sa kanya... diniscourage ko, sabi ko mag-aral muna siya. Iba yung may pinag-aralan.
"Ngayon, tinatanong uli ako, gusto niyang mag-artista."

Sabi pa niya tungkol sa anak, "Twenty four years-old na si Kyle. Ang ganda ng katawan niya, ensayado siya. Magaling siyang kumanta, magaling mag-rap.
"Ayaw niyang mag-umpisa sa mga audition. Gusto niya, mabigyan agad siya ng break. Sabi niya, bakit daw ako bida agad sa pelikula after ng Close Up commercial ko.
"Sabi ko sa kanya, bihira yung katulad ko na bida agad. Yung sa akin, parang destiny talaga. Never ako na lumabas ng extra, bida agad."
HEALTHY LIVING
U.S.-based na si Patrick pero sa tuwing may pagkakataon, umuuwi siya ng Pilipinas.
Nagugulat ang mga nakakakita ngayon kay Patrick dahil halos walang ipinagbago ang physical appearance niya at parang hindi siya nagkakaedad.

"Healthy living na ako. For the past twelve years, I don’t drink na, wala na akong alcohol.
"I work out five days a week, healthy food na ang kinakain ko.Tinanggal ko na ang meat, only veggies and fish. Yun ang sikreto.
"Nagugulat nga yung mga tao. Sabi nila, 'My God, anong sikreto mo?'
"Akala nga nila nagpapagawa ako ng mukha!" natatawang sabi ni Patrick.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika