Ang Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas ang latest victim ng death hoax.
Ipinaabot ni Ai-Ai sa kanyang mga kamag-anak, kaibigan, at tagahanga na fake news ang kumalat ngayong Sabado ng hapon, July 4.
Nalaman na lang ng 55-year-old Kapuso star na biktima siya ng fake news dahil sa mga kamag-anak at kaibigan sa Amerika.
Tumawag ang mga ito para kumpirmahin ang balitang pinagbabaril siya sa loob ng kanyang sasakyan at dead on arrival sa ospital.
Ayaw sanang patulan ni Ai-Ai ang fake news, pero minabuti niyang magsalita para hindi mag-alala ang mga taong hindi muna nagtanong bago pinaniwalaan ang tsismis.
"Kaloka! Ano ba ‘yan? Bakit gusto niyong mawala na ako sa mundo?" shocked na shocked na reaksiyon ni AiAi.
Sabi pa niya, "Baka mistaken identity ang nangyari? Tiningnan ba nila ang hugis ng mukha ng sinasabi nila na babae na binaril?
"Wala akong natatandaang tao na may atraso ako o inagrabyado ko.
"Lahat ng mga order ng ube pandesal, na-deliver namin."
Ayaw isipin na Ai-Ai na may kinalaman sa sagot niya sa isyung magkamukha at puwede silang magkapatid ni Quezon City Mayor Joy Belmonte kaya pinaglaruan siya ng promotor ng fake news.
Isang netizen ang nag-share ng link ng walang katotohanang balitang itinumba si Ai-Ai.
Pareho ng university na pinapasukan ang netizen at ang anak ni Ai-Ai na si Sophia, kaya nakahanap ito ng paraan para kumprontahin ang source ng fake news.
Sinabi ng netizen na biktima ng hacking ang kanyang Facebook account.
Para maniwala si Sophia, nagpakita ang netizen ng mga pruweba.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika