Sa kabila ng phenomenal success ng kantang "Marikit," simpleng-simple ang 20th birthday celebration ng singer-rapper na si Juan Caoile noong June 25.
Bumili siya ng fried chicken at spaghetti mula sa isang popular fastfood chain na salo-salo nilang kinain ng kanyang mga kapatid sa ama habang nakasalampak sila sa sahig.

Si Juan ang nasa likod ng tagumpay ng "Marikit," na magkasama nilang isinulat at inawit ng kanyang kaibigang si Kyle Capiles.

Kyle Capiles (left) and Juan Caoile
Hindi makapaniwala sina Juan at Kyle na magiging trending globally ang "Marikit."
Number one ito sa Top Hits Philippines, Most Streamed Daily sa Spotify, at nagtala ng 250 million views sa Tiktok.
Nangunguna rin ang kanilang debut single sa hit lists ng Youtube, Deezer, at iTunes.
Para kay Juan, ang tagumpay ng "Marikit" at ang pagpirma nila ni Kyle ng exclusive contract sa Viva Records ang advanced birthday gift na natanggap niya hanggang sa mga susunod na taon ng kanyang kaarawan.
THE INSPIRATION FOR "MARIKIT"
Year 2019 nang isulat ni Juan ang "Marikit." Naging inspirasyon niya raw sa pag-compose ng kanta ang babaeng kanyang nililigawan noon.
Kuwento niya, "Girlfriend ko na po ngayon ang pinaka-inspiration ko sa pag-compose ng 'Marikit,' si Elyn Sebastian. Ang laki ng naitulong niya sa akin.
"Alam niya na para sa kanya ang kanta na ni-remake lang namin, kasi gustung-gusto namin yung message pati yung mismong kanta.
"Dalawa po kami ni Kyle na composer. Hati po kami.
"Kapitbahay ko po siya, kaibigan, kaklase, katrabaho, kalaro sa basketball. Working student po kami.
"Nag-aaral kami sa Universidad de Manila, Bachelor of Science in Business Administration, Major in Marketing.
"Magkaklase po kami ni Kyle."
May mga pagbabagong nangyari sa buhay ng dalawa nang maging popular ang "Marikit."
Pero normal pa rin ang pakiramdam ni Juan, na nananatiling nakatapak sa lupa ang mga paa.
Saad niya, "Nabigyan po kami ng pagkakataong marinig ng ibang mga tao yung mga mensahe na gusto naming iparating about ourselves, about sa mga pinagdaraanan namin, sa inspirations namin.
"Nagkaroon kami ng pagkakataong marinig ng mga tao.
"Yung mga nagbago, parang ganoon pa rin po. Normal pa rin kahit sabi nilang sikat ka na.
"Pero para sa akin, ako pa rin ito."
HIT SONG
Ano ang pakiramdam na nakilala nang husto ang "Marikit" sa panahon ng COVID-19 pandemic?
Sagot ni Juan, "Sobrang nakakatuwa po kasi nakatulong kami sa mga tao.
"Nakapag-release sila ng stress nila through dancing and singing our song na iniaalay namin sa OPM.
"Napakalaki po ng oportunidad na ibinigay sa amin kaya tinanggap namin nang buong-buo na makapagbigay rin kami ng inspirasyon sa ibang mga tao habang may pandemic.
"Blessing po talaga ito."
Tanggap din daw niya ang mga disadvantage na hatid ng COVID-19.
"Yun naman po ang isang disadvantage ng pandemic, ang daming gigs na hindi natuloy. Maraming gigs na hindi magawa.
"Pero okey lang dahil naniniwala ako na kahit wala na yung pandemic, yung 'Marikit,' patuloy pa ring pakikinggan ng mga tao dahil parang naging Filipino [anthem] song na siya."
Nakadagdag sa kaligayahang nararamdaman ni Juan na ang mga sikat na artistang gaya nina Alden Richards at Maine Mendoza ay kinakanta at isinasayaw ang "Marikit."
"Sobrang hindi ako makapaniwala na pati mga sikat na artista, nakikisayaw na po sa 'Marikit.' Pati mga bata at matatanda.
"Sobrang nakakatuwa, hindi ko maipaliwanag ang saya sa puso ko," sabi ni Juan, na dalawang beses nang nag-guest sa Eat Bulaga.
JUAN'S STORY
Pero katulad ng ibang mga sumikat na singer-songwriter, may bahid ng kalungkutan ang buhay ni Juan.
Maaga siyang naulila sa ina, at ang lola niya sa father's side ang nagpalaki sa kanya.
"Yung tatay ko po is 36 years old, clerk siya ng perfume sa isang mall.
"Sixteen years old siya nang mag-asawa."
Ayon pa kay Juan, "Yung mama ko po, wala na po. Sumalangit nawa na po siya.
"Kung hindi ako nagkakamali, eleven years old ako nang mawala siya. Nabaril po siya.
"Yung family po niya ang nag-asikaso sa kaso. Parang inareglo lang po."
Hindi na idinetalye ni Juan ang malagim na sinapit ng kanyang ina.
Malaki ang pasasalamat ni Juan sa Lola Carmen Caoile niyang nag-alaga at nagpalaki sa kanya.
"Okey lang po ang childhood ko. Laking-lola po ako, sa father's side.
"Hindi naman po nawala yung disiplina at yung kalinga. Iba po kasi talaga ang pagmamahal ng isang lola.
"Bale yung lola ko lang po ang tumayong nanay at tatay ko.
"Sobrang tuwang-tuwa si Lola Carmen sa nangyayari sa akin ngayon.
"Lahat ng kanta ko, alam niya, kahit yung mga hindi pa sikat. Kinakanta rin niya ang 'Marikit.'"
Si Juan ang panganay sa magkakapatid, pero hindi niya naranasang maging panganay nang muling mag-asawa ang kanyang ama at magkaroon ito ng mga anak dahil hindi sila magkakasama.
"Hindi ko kasama ang mga kapatid ko kaya hindi ko naranasan na maging panganay.
"Pero para sa akin, mahirap maging panganay, lalo na kung ikaw ang magsisilbing tatay at nanay nila kapag nawala na yung mama at papa," sabi ni Juan.
Malaking-malaki ang pasasalamat ni Juan sa Panginoon dahil sa suwerteng ibinigay sa kanya.
"Sobra po ang pasasalamat ko sa Diyos. Alam ko na lahat ng ito, plano Niya at sinusubok pa po Niya ako habang tumatagal ang panahon.
"Ibinigay Niya po ito, pero hindi Niya ibinigay lahat.
"Parang sinusubok pa Niya ako kung saan ko gagamitin ang talent ko at ano ang gagawin ko kapag meron nang ganito."
Naninirahan si Juan at ang kanyang lola sa Quirino at Herbosa Streets sa Tondo.
Kasalo niya sa tagumpay ng "Marikit" ang kanyang mga kapitbahay, na galak na galak dahil sa tagumpay ng kanta nila ni Kyle.
"Yung mga kapitbahay ko, tuwang-tuwa, niloloko nila ako, tinatawag nila akong 'Marikit, Marikit.'
"Yung mga bata, nagbi-video, nangungulit po sila rito.
"Ayoko pong iwan ang Tondo.
"Kung saka-sakaling malaki ang kikitain at makakabili ako ng bahay, gusto ko sana dito pa rin sa Tondo.
"Kasi dito na po talaga ako lumaki, dito ko na natutunan yung mga tama at mali ko.
"Yung mga aral, dito ko na napulot," pagtatapos na pananalita ni Juan.
Nangako rin si Juan na hindi magbabago, at seryoso siya sa kanyang entertainment career dahil gusto niyang manatili nang matagal sa music industry.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika