Hindi komedyante si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, pero nagawa niyang patawanin ang marami dahil sa kanyang pahayag na nagtagumpay ang ating bansang patagin ang kurba ng COVID-19 pandemic mula pa noong Abril 2020.
Hindi rin kontrabida sa pelikula at sa teleserye si Duque, pero sumiklab ang poot ng marami sa ating mga kababayan dahil sa kanyang sinabi sa isang online pre-State of the Nation Address forum ngayong hapon, July 15.
"We have successfully flattened the curve since April," deklara ng DOH secretary.
"The metrics for arriving at that conclusion of flattening the curve is actually, one, the case doubling time of the COVID-19 infection has actually become longer."
Ang mga pinakawalang salita ni Duque tungkol sa COVID-19 situation ng bansa ang dahilan para batikusin siya nang todo.
Muli ring nabuhay ang panawagang bumaba na siya mula sa puwesto.
Walang gustong maniwala sa pahayag ni Duque dahil patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
As of today, July 15, umabot na sa 58,850 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa. Kasama sa bilang na ito ang 1,614 na namatay at 20,976 na gumaling.
Pagkatapos tumanggap ng mga masasakit na puna, binawi ni Duque sa pamamagitan ng mga tweet ang kanyang naunang pahayag.
Pahayag niya ngayon: "I would like to clarify my statement made earlier during the Pre-SONA on flattening the curve.
"Our case doubling time in April passed the 3 day doubling time mark; NOW, July 15 - it is at 8 days CDT (past the 7-day doubling time mark).
"This means we bent the curve in April after the March ECQ but we are seeing an increase in cases due to the expanded testing capacity and community transmission as we allow movement of people.
"Ang mahalaga ay ma-maintain ang bilang ng mga kaso at manageable levels para hindi natin ma-overwhelm at mapagod ang ating healthcare workers.
"Kaya’t importante na sundin natin ang minimum health protocols- magsuot ng mask, maghugas ng kamay, at mag-physical distancing."
Pero base sa comments section ng kantang tweets, mas tumindi ang panawagan ng publiko: mag-resign na siya.
Hindi ito ang unang pagkakataong tumanggap ng mga batikos si Duque.
Nag-alburoto rin ang mga Pilipino nang sabihin niya sa Senate online hearing, noong May 2020, na nasa second wave na ang COVID-19 sa Pilipinas.
Kinabukasan, May 21, binawi ni Duque ang kanyang pahayag, kasunod ang paglilinaw na "first major wave of sustained transmission ng coronavirus disease" ang nararanasan sa bansa natin.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika