Be like Tali.
Si Tali ang adorable two-year-old daughter nina Vic Sotto at Pauleen Luna na madalas napapanood na kinukulit ang kanyang ama sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga.
Ang pagsusuot ni Tali ng face mask kahit nasa bahay lang siya ay napansin ng Eat Bulaga! viewers.
Magandang ehemplo si Tali sa mga kababayan nating ipinagwawalang-bahala ang pagsusuot ng face mask, na isa sa mga dahilan kaya pataas nang pataas ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Madalas nakikita natin ang ilang kababayan na, kung hindi nakalantad ang kanilang mga ilong, nakasabit lang sa baba ang mga face mask na suot, kaya balewala rin ang pag-iingat na ginagawa nila.
Mukhang hindi nila tanto na ang nakakahawa ay droplets na galing sa simpleng pananalita at paghinga, pag-ubo at pagbahing.
Hindi laging nakikita, pero ang droplets ay nasa ere at maaaring manatili sa ere ng walong oras, ayon na rin sa World Health Organization.
As of July 22, umabot na sa 72,269 ang COVID-19 cases sa Pilipinas; 1,843 na ang namatay; at 23,623 ang bilang ng recoveries.
WEAR FACE MASK PROPERLY
Ang maling paggamit ng Pinoy ng wastong face mask ang obserbasyon ni Glenda Cruz.
Si Glenda ang asawa ng singer na si Tirso Cruz IV, at matagal na silang naninirahan sa Japan.

Umuuwi lamang sa Pilipinas si Tirso o Pong sa tuwing may show siya sa isang five-star hotel sa Makati City.
Si Tirso IV ay pamangkin ng veteran at multi-awarded actor na si Tirso Cruz III.
Noong January 2020, nag-donate si Glenda ng N-95 masks mula sa Japan para sa mga kababayan natin sa Batangas na naapektuhan ng pagputok ng Taal Volcano.
Kahit nasa ibang bansa sila, inaalala ni Glenda ang kapakanan ng mga Pilipino, at ang maling paggamit ng facemask ang napuna niya.
Sabi ni Glenda sa Cabinet Files, "Dumarami ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas dahil maling mask ang ginagamit ng iba.
"Lahat na pinepeke, manipis na tela o surgical mask ang ginagamit nila.
"Dito sa Japan, kahit tela ang mga face mask, may test na ginagawa. Hindi basta tela lang ang materyal, kailangan para sa virus talaga at PM2.5 [Particulate Matter 2.5 Air Pollution] siya.”
May basehan ang obserbasyon ni Glenda dahil umiral ang pagiging negosyante ng ilan sa ating mga kababayan Pilipino nang magkaroon ng coronavirus pandemic sa Pilipinas.
Makikita sa bangketa ang kaliwa’t kanang pagbebenta ng face mask na yari sa manipis na tela at ipinagbibili sa murang halaga na P40, pero hindi naman epektibo para mapigil ang pagkalat ng virus.
Ang paggamit pa rin ng medical masks ang rekomendasyon ng World Health Organization para sa healthcare workers, senior citizens, mga taong may underlying health conditions, at mga taong positibo o may sintomas ng coronavirus.
Ayon naman sa www.healthline.com, virtually ineffective ang paggamit ng bandana o panyo bilang face mask at panlaban sa coronavirus.
Sa kasalukuyan, 25,736 ang kaso ng COVID-19 sa Japan; 988 ang deaths; at 20,155 ang recoveries.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika