Umalma si Willie Revillame sa isang report tungkol sa paglabas niya sa press briefing ni Malacañang Spokesperson Harry Roque noong Biyernes, August 7.
Sa nasabing press briefing inanunsiyo ng TV host na magbibigay siya ng donasyon na P5 million sa jeepney drivers na tigil-pasada dahil sa muling pagpapatupad ng MECQ.
Sa Monday episode, August 10, ng kanyang show sa GMA-7 na Tutok To Win, sinabi ni Willie na hindi siya nagbubuhat ng bangko, hindi nagpapasikat, at lalong hindi “hijack” ang kanyang paglabas sa press briefing ni Roque.
May kinalaman ang pagtutuwid ni Willie sa report ng Rappler, noong August 7, na may headline na "Willie Revillame hijacks Roque press briefing to promote charity, GMA7 show."
Isinulat ito ni Pia Ranada.
Hindi nagustuhan ni Willie ang terminong "hijack" na ginamit ng writer upang ilarawan ang paglabas niya sa press briefing ni Roque.
Saad niya, “Ang alam ko sa hijack, may hino-hostage ka, may dala kang armas at nangha-hijack ka.
"Ang ibig ko hong sabihin, hindi ho maganda yung pagkasulat. Hinijack ko daw yung programang ‘yon.
"I was invited by the secretary, binigyan ako ng pagkakataon…"
Mensahe pa ni Willie, “Sana ho, Miss Pia Ranada... wala akong pinasisikat at hindi ko kailangan gawin ‘yon.
"Alam mo bakit? Ang mga bida sa programang ito, yung mga nangangailangan.
“Sana sa pagsulat mo, alamin mo muna kung ano ang istorya. Kaya nga sinasabihan kayo na fake news kayo, hindi totoo ang sinasabi mo.
“Never akong mangha-hijack. Kung pala ang hijack ay kabutihan, e, di mang-hijack na lang tayo, kung magbibigay ang hijacker ng five million.”
THE STORY BEHIND WILLIE'S APPEARANCE
Bago ito, ikinuwento muna ni Willie na ang studio niya sa Wil Tower Mall ang pansamantalang ginagamit ni Roque sa televised press briefing nito mula pa noong August 3.
Isinara ang RTVM at PTV4 studios na ginagamit ni Roque nang magpositibo sa COVID-19 ang ilang empleyado ng istasyon.
Saad ni Willie, “Wala po silang studio na magagamit, so nung tinawagan niya [Roque] ako, right there and then, pumunta na po ako sa Wil Tower.
“Ako na ho ang nag-asikaso, at ‘yan po ang studio na ginagamit ni Secretary Harry Roque magmula last Monday [August 3]. Ginawan ko po ‘yan ng paraan.”
Tinanggihan daw ni Willie ang unang imbitasyon ni Roque na lumabas siya sa press briefing para personal na mapasalamatan, dahil hindi raw ito naaangkop.
“Sabi ko, 'Sir, hindi ho appropriate dahil hindi naman ako pulitiko and, also, I have my own show.'
“Noong last Friday po, August 7, sabi niya, ‘Baka huling araw na namin sa studio. Puwede bang lumabas ka lang para lang mapasalamatan kita nang personal?’
"Kaya ho noong lumabas ako, nagbuhat pa ako ng bangko, binuhat ko talaga nang literal na bangko to lighten up the situation.”
Ikinalungkot daw ni Willie ang ibang interpretasyon sa pagbibigay niya ng financial assistance sa jeepney drivers dahil siya pa ang naging masama sa paningin ng ilang tao.
“E, parang napasama pa ho ako sa iba. Na parang nagbuhat ako ng bangko ko, parang nagyabang pa ako?
“Hindi ko ho maintindihan bakit may ganyang klase ng mga tao.
"Huwag niyo ho akong sabihan na, 'Huwag mong ibigay sa DSWD, huwag mong ibigay sa LTFRB.'
“Kanino ko ho ibibigay ‘yan? Hindi ho ako puwedeng pumunta sa mga jeepney driver, una may batas, may COVID, di ba?
“Paano ko ibibigay, magkakagulo po ‘yan. Baka mapasama pa, mahuli pa ako.
"Kailangan po sa kinauukulan kaya ho ibinigay ko kay Spokesperson Secretary Harry Roque yung five million,” sabi ni Willie.
Iginiit ni Willie na nanggaling sa sariling bulsa ang kanyang donasyon. At sa susunod na buwan, muli siyang magbibigay ng tulong sa mga kapus-palad.
PIA RANADA REACTS
Samantala, nakarating kay Pia Ranada ang pahayag ni Willie na "fake news" daw ang sinulat niya.
Si Pia ang reporter ng Rappler na assigned sa kinikilalang premier beat, ang Malacañang, at kasabay nito, ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan ng Twitter, nagparating din ng mensahe si Pia kay Willie nitong Lunes ng gabi, August 10.
Sabi nito: "Hi Willie Revillame! Ito po ang ilang mga ibang depinisyon ng ‘hijack’ kung sakaling inaakusahan mo ako ng fake news dahil ang intindi mo sa ‘hijack’ ay pagnakaw ng sasakyan."
Sa lengwahe ng kalye o pang-araw araw na Tagalog, ang "hijack" ay matagal nang ginagamit upang manguhulugang nailihis, nadiskartehan, o nakontrol ng iba ang isang bagay na inihanda para sa kaibang gamit.
Maituturing itong slang o colloquial speech.
Kalakip ng tweet ni Pia ang screen shot ng ilang definitions ng salitang "hijack" mula sa iba't ibang sources.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika