Ang darating na Biyernes, August 28, ang huling araw ng paghahatid-balita ng mga regional news programs ng TV Patrol.
Epekto pa rin ito ng desisyon ng House committee on legislative franchises, naaayon sa kagustuhan ng Pangulong Rodrigo Duterte, na huwag pagkalooban ng prangkisa ang ABS-CBN.
Kabilang sa labindalawang regional news programs ng TV Patrol na nakatakdang magpaalam sa Biyernes ay ang TV Patrol North Luzon (Baguio, Dagupan, Ilocos, Isabela and Pampanga), TV Patrol Bicol (Naga, Legazpi), TV Patrol Palawan...
TV Patrol Southern Tagalog (CALABARZON), TV Patrol Central Visayas (Cebu, Dumaguete, Bohol), TV Patrol Negros (Negros Occidental, Negros Oriental).
Kasama rin ang TV Patrol Panay (Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras), TV Patrol Eastern Visayas (Samar, Leyte), TV Patrol Northern Mindanao (Misamis Oriental, Misamis Occidental Lanao Del Norte, CARAGA, Dipolog)...
TV Patrol South Central Mindanao (SOCSKSARGEN, Cotabato), TV Patrol Southern Mindanao (Davao), at TV Patrol Chavacano (Zamboanga).
Ang ABS-CBN regional head na si Tata Sy ang naglabas ng opisyal na pahayag tungkol sa nalalapit na pagkawala sa ere ng news programs ng Kapamilya network sa mga rehiyon.
Epektibong mawawalan ng trabaho ang daan-daang reporters, editors, technicians, directors, janitors, maintenance, at staff, liban pa sa mawawalan ng negosyo ang mga allied services ng programa.
“Abot sa mga liblib na lugar ang pagbibigay serbisyo ng ABS-CBN Regional," sabi ni Sy, "pati ang mga lugar na tanging broadcast ng ABS-CBN lamang ang naaabot."
Hindi lamang pagpapaabot ng balita ang apektado, ayon kay Sy, kundi pati na ang pagpapaabot ng tulong.
“Bukod sa paghahatid ng balita, ang ABS-CBN Regional news teams din ang nauuna sa paghatid ng tulong sa mga komunidad tuwing tinatamaan ng kalamidad.”
Sabi pa ni Sy, misyon ng ABS-CBN Regional ang magbigay ng makabuluhang serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga nangangailangan at sa mga nagnanais tumulong.
Liban pa raw sa serbisyong ipagbigay-alam sa mga ahensiya ng gobyerno a ng mga problema at isyung dapat nilang bigyan ng mabilis na aksyon.
Sa kabuuan, apektado ang malayang pamamahayag sa mga rehiyon, na isang karapatang ngayo'y natapakan dahil sa personal na galit ng Pangulo sa Lopez family at ABS-CBN.
Sinabi ng Kapamilya network na mahigit tatlumpong taong naglingkod sa mamamayang Pilipino ang ABS-CBN Regional.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika