May iniaalok na serbisyo ang mga driver na miyembro ng UP Jeepney Drivers’ Association para may pagkakitaan habang hindi pa pinapayagang bumiyahe dahil sa enforced quarantine.
Gamit ang kanilang mga pampasaherong jeepney, ang naisip nilang paraan ay ang maging alternatibo ng Grab, Lalamove, at ibang delivery apps.
Sa paghahatid sa mga lugar na patutunguhan ng mga pagkain, produkto, at ibang bagay na ipadadala ng mga kostumer ay magkaroon sila ng marangal na hanapbuhay.
"Yun lang ang naisip naming paraan. Kung sino ang gusto tumakbo at magkakasundo sa presyo, walang problema po sa amin.
"Napagkasunduan namin na kung sino ang may gusto magpa-deliver, pwede kami," sabi ni Ernesto dela Paz, 48, ang pangulo ng mga driver na pumapasada sa UP Campus-Balara area.
Dahil wala silang mobile app, ang personal cellphone number ni Ernesto—0918-2122897—ang maaaring kontakin ng mga gustong gamitin ang kanilang serbisyo.
Ayon kay Ernesto, "Ako na ang bahalang magsabi sa mga member namin, pero hanggang sa Quezon City lang po ang delivery namin. Yung mga jeepney ang gagamitin namin sa pagde-deliver."
Pero ang inaalala raw nila ay ang mga nanlolokong customers.
"Ang problema at ang inaalaala namin, yung mga magpapa-deliver na nanloloko lang pala.
"Siyempre po, ipapangutang pa namin ang pang-diesel. Hindi naman po lahat sa amin, may-ari ng sasakyan. Yung iba, nakiki-boundary lang."
JEEPNEY DRIVERS FORCED TO BEG
Limang buwan nang hindi pumapasada ang mga jeepney drivers ng UP Campus-Balara dahil sa pagdedeklara ng enforced quarantine sa Luzon noong March 15, 2020.
Para hindi magutom ang kanilang mga pamilya, ang pamamalimos ay ginawa nila.
"Wala na kaming biyahe mula pa noong March kaya namamalimos na po kami. Hanggang ngayon po, namamalimos pa rin kami," hinaing ni Ernesto.
"Kahapon po, kumita kami ng P180.00 each, tatlumpo po kaming namalimos. Nakapuwesto kami sa may MWSS sa Balara at UP Town Center.
"Ang pinakamalaking nalimos namin, P6,000, at dalawampu’t pito po kaming naghati-hati.
"'Yan na po ang pinakamahirap na ginawa namin—ang mamalimos para may maipakain kami sa aming mga pamilya.
"May mga nagbibigay rin ng mga bigas, noodles, at de-lata. Pinagsasama-sama namin para pagdating ng hapon, paghahati-hatian namin."
DONATION FROM WILLIE REVILLAME
Ang grupo ni Ernesto ang isa sa mga nakinabang sa tulong pinansiyal ni Willie Revillame nang makita nitong namamalimos na sa kalsada ang jeepney drivers.
"Binigyan po kami ng P1,500 bawat isa mula sa donasyon ni Willie Revillame.
"Yung P1,500, binawasan ko pa po ng one hundred pesos para sa mga barker at one hundred para sa pondo ng asosasyon. Pambili ng mga alcohol.
"Nagbigay noon si Mayor Joy Belmonte ng two thousand [pesos] each, pero matagal na po yun."
Sa kabila ng mga mabibigat na pagsubok na nararanasan nila ng kanyang mga kasama, sinabi ni Ernesto na hindi sila nawawalan ng pag-asa.
Pero ngayon pa lang, pinoproblema na nila kung sino ang kanilang mga magiging pasahero.
"Hindi naman po kami nawawalan ng pag-asa dahil ang sabi ng LTFRB, makakabiyahe naman po.
"Pero hanggang kailan? Hinihintay po namin ang aming QR [Quick Response] Code para makapasada.
"Ang LTFRB ang nagbibigay ng clearance bago kami makabiyahe pero bibili pa kami ng mga plastic para sa proteksyon ng mga pasahero.
"Sana tulungan pa rin kami kasi kung halimbawa na makakabiyahe kami, wala pa ring mga pasahero.
"Yung iba, wala nang trabaho. Yung iba, nagba-bike, nagmo-motor na lang.
"Sino na lang ang magiging pasahero namin?" nag-aalalang tanong ni Ernesto.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika