Ipinakikita na ng TV5 ang teaser ng Masked Singer Pilipinas, ang reality singing-competition series na mapapanood simula sa October 24, 7 P.M.
Ang Masked Singer Pilipinas ang hudyat ng pagbabalik ni Aga Muhlach sa Kapatid Network dahil isa siya sa apat na hurado.
Makakasama ni Aga sina Cristine Reyes, Kim Molina, at Matteo Guidicelli bilang judges.
Si Billy Crawford ang host ng Masked Singer Pilipinas, na Philippine franchise ng South Korean reality show na nagsimula noong 2015.
Naging Kapatid star si Aga mula 2011 hanggang 2014. Siya ang host ng infotainment program na Pinoy Explorer (2011-2013) at ng game show na Let’s Us Pilipinas (2013-2014).
Naranasan ni Aga maging hurado sa Pinoy Boyband Superstar ng ABS-CBN noong 2016. Iyon ang huling regular TV show niya.
Muling naging visible si Aga sa TV noong huling bahagi ng 2019 dahil sa mga promo guesting niya para sa Philippine adaptation ng Miracle in Cell No. 7, ang topgrosser sa 45th Metro Manila Film Festival.
Ang Masked Singer Pilipinas ang isa sa pinakaaabangang bagong programa ng TV5 dahil sa mga kakantang celebrity contestants na top secret ang mga katauhan.
Marami ang mga artistang mabibigyan ng exposure at trabaho sa Masked Singer Pilipinas dahil labindalawa hanggang labinwalong mystery celebrity contestants ang maglalabn-laban kada isang taping day.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika