Nakatutok ang atensiyon ng lahat sa pananalasa ni Super Typhoon Rolly sa Bicol Region at Southern Luzon noong Linggo, November 1.
Dahil dito, hindi masyadong napagtuunan ng pansin ang sagot ni Angel Locsin sa mabibigat na akusasyon ni AFP Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. sa nakatatandang kapatid ng aktres na si Ella Colmenares.
Dating miyembro raw si Ella ng Communist Party of the Philippines, New People's Army, at National Democratic Front.
Idinawit din ni Parlade ang pangalan ni Angel.
Sabi ng spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na noong panahong nasa underground movement si Ella, alam daw ito ni Angel at suportado raw ng aktres ang kapatid.

Sinagot ni Angel ang isyu sa programa ni Henry Omaga Diaz sa Teleradyo noong October 31.
Hindi napigilang mapaluha ni Angel sa mga paratang laban sa kanya na wala raw katotohanan.
"I never associated myself with the NPA. He [Parlade] associated me with the NPA.
"Bakit hindi po nila kami idinemanda kung sure na sure sila?
"Pero hindi, e. Gusto nila, sirain kami sa social media.
"So, wala kaming choice, e. Kino-consider po ng legal team ko ang pagdedemanda rin po.
"Wala po akong masamang hangarin, wala po akong hidden agenda," diin ni Angel sa radio program ni Henry na ipinalabas sa TV Patrol Weekend.
SENATE HEARING
Nitong Martes, November 3, humarap si Parlade sa Senate committee on national defense na pinangunahan ni Senator Panfilo Lacson na dumidinig sa kontrobersiyal na isyu ng red-tagging.
Ang red-tagging ay ang pagli-link sa isang mamamayan sa outlawed groups gaya ng CPP/NPA/NDF. Kadalasan, ginagawa ito sa mga mamamayang may kritisismo sa gobyerno.
Ang delikado sa red-tagging ay maaaring maging target ang taong na red-tag ng judicial system at pati na rin ng extra-judicial moves.
Pinabulaanan ni Parlade na nagbitiw siya ng salitang miyembro ng NPA si Angel.
Pero nanindigan si Parlade na dating kasapi ng CPP ang kapatid ng aktres na si Ella.
Saad niya, "I never said that Angel Locsin is an NPA, but ang statement niya ngayon, sinasabi niya ngayon, hindi raw siya NPA.
"I never said that she is an NPA.
"Sana hindi na siya [Angel] magsinungaling na si Ella Colmenares ay hindi NPA dahil si Ella Colmenares ay talagang NPA.
"I know that she knows... We came here, we took an oath and we're not going to say any lies here."
Ikinagalak ni Lacson ang pag-absuwelto ni Parlade kay Angel sa pagiging miyembro ng NPA.
Iipinagtapat ng senador na kaibigan ng kanilang pamilya si Neil Arce, ang fiancé ni Angel, at kukunin siyang ninong kapag ikinasal ang dalawa.
Nakatakda sana ngayong 2020 ang pag-iisang dibdib nina Angel at Neil, pero ipinagpaliban nila ito sa susunod na taon dahil sa coronavirus pandemic.
"I’m just making a disclosure. Mabuti na yung kwentas klaras," sabi ni Lacson tungkol sa magiging partisipasyon niya sa pagpapakasal nina Neil at Angel.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika