Residente ng Parañaque City si Donnalyn Bartolome.
Pero nang makita nito na lubog sa baha ang Marikina City at ang ibang bayan sa Rizal, gumawa siya agad ng paraan na puntahan ang naturang lugar para personal na tumulong sa mga nasalanta ni Typhoon Ulysses.
Si Donnalyn ay isang vlogger at Viva artist na napanood sa mga pelikulang Jacqueline Comes Home at Cry No Fear noong 2018.
Ang pagbili ng mga rescue boats ang naisip na tulong ni Donnalyn dahil naantig ang damdamin niya sa mga social media post ng ating mga kababayan na stranded sa bubungan ng kanilang mga tahanan at humihingi ng saklolo.
Personal na dinala ni Donnalyn sa Marikina City at sa mga bayan ng Rizal tulad ng Montalban ang kanyang mga donasyon na rescue boats kaya nasaksihan niya ang malaking perwisyo na iniwan ni Typhoon Ulysses.

Bago siya nagpunta sa Marikina, nanawagan si Donnalyn kung sino ang mga gustong mag-boluntaryo tumulong sa pagliligtas ng mga biktima ng sakuna.
Marami ang tumugon sa kanyang apela.
CALL FOR RESCUE OPS
Ngayong gabi ng Huwebes, November 12, nanawagan si Donnalyn sa Philippine Coast Guard.
Sa pamamagitan ng Facebook Live, nagsabi itong marami pang kababayan natin sa mga bayan ng Rizal ang dapat iligtas.
"Ang dami ng nangangailangan ng tulong sa Rizal which is yung first na dineliveran namin ng boats.
"Pero mas matindi yung baha kanina sa Marikina kaya yun ang pinuntahan ng coast guards.
"Ang daming nagsasabi [na mga residente sa Rizal towns] na dinadaan-daanan lang sila so please help.
"Pati yung mga pinagkatiwalaan ng boats, parang kailangan ng help."
Tumirik ang sasakyan na dala ni Donnalyn, pero hindi ito naging sagabal para hindi niya ipagpatuloy ang kanyang kawanggawa.
Isinagawa niya ang Facebook Live habang nakasakay sa kanyang kotseng hinihila ng tow truck.
"Sorry natutuliro ako dahil natirikan kami ng car, so ngayon, tino-tow kami.
"So please baka po merong coast guards diyan o official na kilala niyo. Wala kasi akong kakilala so puwede po ba na magpa-deploy kayo sa Rizal?
"Ang dami po nagme-message sa akin, life and death matter na po talaga.
"Imagine, may mamamatay po doon so pumunta po kayo doon please."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika