PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Kuwentong bagyong Ulysses: Nalubog na sa baha ang bahay, namatayan pa ng nanay

Lola, namatay ng bandang 9 a.m. pero 6:30 p.m. na nakuha ng rescuers.
by Jojo Gabinete
Published Nov 13, 2020
PHOTO/S: Jerome Ascano / Dennis Clavaton

Masakit ang nangyari sa pamilya ni Lorna Revilla, 45, dahil lumubog na nga sa baha ang bahay nila sa Tumana, Marikina City, namatay pa ang kanyang 80-year-old mother na si Catalina Lazaro.

Ang isang palapag na bahay ni Lorna sa Tumana ang isa sa mga apektado ng pagtaas ng tubig sa Marikina River kaya napilitan silang lumikas sa katabing-bahay nila, kasama ang kanyang bedridden mother na isang stroke victim.

"Lumikas po kami dahil yung bahay ko po, lubog na yung bubong. Isang floor lang po yung bahay ko," bungad na kuwento ni Lorena sa pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files nitong Huwebes ng gabi, November 12.

"Noong inangat namin si Nanay kaninang 3:30 ng madaling-araw, okey pa naman siya. Pinagkape pa namin siya. Uminom pa siya ng kape.

"Siguro po, natakot si Nanay sa pag-angat sa kanya dahil alam niyang baha na, ninerbiyos siya.

"So, mga 9 a.m. po, pagtingin ko po, hindi na siya humihinga," emosyonal na pagbabalik-alaala ni Lorena sa mga huling sandali ng kanyang ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Tinawagan ko po si Dennis sa cell phone. Sabi ko, ihatid niya kami sa ospital. Baka mabawi pa ang buhay ni Nanay.

"Pero wala na po talaga. Saka papunta na po sa puwesto namin sa second floor ‘yung tubig.

"May nurse po na umakyat sa bubong, kinumpirma po niya na patay na si Nanay."

Si Dennis ang 42-year-old nephew ni Lorena, at ito ang nanawagan sa pamamagitan ng kanyang Facebook post na tulungang maibaba mula sa bubong ng bahay na tinuluyan ang lola niyang namatay.

Kuwento ni Dennis sa Cabinet Files, "Nung nag-post po ako noong una, humihingi lang po ako ng tulong para ma-rescue sila.

"Yung pangalawang post ko po, namatay na po ang lola ko."

Ito ang nilalaman ng pangalawang Facebook post ni Dennis:

"Hanggang ngayon nasa bubong pa din po mga tita ko at lola ko. Maawa na po kayo. Namatay na po ang lola ko sa bubong, pls po mga rescuer baka pwede nio po madaanan ang iwahig road 2. Para madala po si lola sa punerarya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓


Ang Facebook post niyang ito ang nag-udyok sa aming makipag-ugnayan sa kanya.

Pagpapatuloy na salaysay ni Dennis, "Kaso, nawalan po kami ng communication ng tita ko dahil nag-low batt ang cellphone niya kaya ang ginawa ko, nag-post ako sa Facebook tapos marami na po ang nagtatanong at maraming nag-share ng post ko."

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Hindi siya makapunta sa Tumana dahil sa baha na lampas tao ang lalim.

May mga dumating na rescuers sa lugar na kinaroroonan ng bangkay ni Lola Catalina dahil tumulong sa panawagan ang mga nakabasa sa Facebook post ni Dennis.

Pero hindi agad nakuha ng mga rescuer ang bangkay ni Lola Catalina dahil kailangan munang makahanap sina Lorena at Dennis ng punerarya na pagdadalhan sa nasawi.

"May nakita naman po kaming punerarya, sa Ka Andres Memorial Chapel dito rin sa Marikina," sabi naman ni Lorena.

"Ala-sais medya na po ng gabi nang makuha ng rescuer ang bangkay ni Nanay. Ayaw nilang kunin ang patay hangga’t walang punerarya po.

"Ang problema pa po, nung ni-rescue na kami, mababaw na po ang tubig kaya yung sinasakyan naming speed boat, hindi na makaabante.

"Inilakad na lang po namin si Nanay papunta sa punerarya. Dala-dala namin si Nanay, nakalagay siya sa stretcher. Medyo malayo po, nakakapagod po talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Super thankful po ako sa mga rescuer dahil talagang binuhat nila si Nanay," ani Lorena.

Napag-alaman ng Cabinet Files na Black Rhino ang pangalan ng mga rescuer o grupo ng mga kalalakihang tumulong sa pamilya ni Lorna para mailigtas sila at madala sa punerarya ang kanyang pumanaw na ina.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Hindi pa masabi ni Lorena kung kailan nila maililibing ang nanay niya. Bukod sa mga dokumentong kailangan, hindi pa sila nakakahanap ng lugar na pagbuburulan sa bangkay ni Lola Catalina.

"Nagpaalam nga po ako kanina sa barangay. Ang sabi nila, kapag malinis na ang barangay hall, puwede nang iburol si Nanay.

"Pero kung hindi, baka mag-adjust pa kami ng araw po," malungkot na sabi ni Lorena.

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
PHOTO/S: Jerome Ascano / Dennis Clavaton
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results