Hindi nagkakaiba ang karanasan ni Marco Gumabao at ng Anak Ng Macho Dancer star na si Sean De Guzman dahil nasaksihan din nito ang pagdakip ng mga pulis sa kanyang ama.
Hindi pa nakakalimutan ni Marco nang sumugod ang mga pulis sa tahanan nila sa Quezon City noong February 2005 para arestuhin ang kanyang tatay na si Dennis Roldan na sangkot sa kaso ng kidnapping.
Grade four naman si Sean noong 2010 nang salakayin ng mga pulis ang tahanan nila dahil sa drug case ng tatay niya na nag-iwan sa kanya ng trauma.
“Ni-raid po yung bahay namin dahil hinahanap nila ang father ko.
"Natatandaan ko, umiiyak kami noon kasi ang daming pulis sa bahay namin 'tapos kaming magkakapatid, magkakayakap lang kami. Iyon ang hindi ko makakalimutan na nangyari.
“Maraming utang ang father ko sa Muslim, maraming Muslim sa area namin. Palaging may pumupunta sa bahay namin, kinukuha yung mga gamit namin.”
Dating masaya ang pamilya ni Sean pero napalitan ito ng lungkot nang magtrabaho sa Bahrain ang nanay niya at malulong sa ipinagbabawal na gamot ang kanyang ama.
“Apat po kaming magkakapatid. Ang mother at father ko, matagal nang magkahiwalay.
"Halos lumaki po ako sa lola ko sa mother side kasi yung mother ko, nasa abroad siya that time.
“Sobrang hirap po na lumaki na magkahiwalay ang mga magulang. Dati bago nag-abroad si Mama, sobrang saya namin.
“Yung father ko ang nag-aalaga sa aming magkakapatid. Naghiwalay sila dahil yung mga ipinapadala ng mother ko, napupunta lang sa iba, sa drugs. Du’n nagsimula ‘yung pagkakawatak-watak namin.
“Noong una, parang nagtataka ako bakit nangyari ang mga ganoon sa amin. Masakit po pero ngayon tanggap ko na rin na ganoon talaga,” malungkot ang boses na kuwento ni Sean.
Isang paalaala ito sa mga magulang na nagkakaroon ng problema ang pagsasama, dahil ang kanilang mga inosenteng anak ang naaapektuhan at nagdurusa kapag naghiwalay sila.
Dahil sa nangyari, nagtampo si Sean sa kanyang ama. Kaya tinanong namin kung napatawad na niya ito.
“Napatawad ko na rin po siya, pero hindi ko alam kapag nagkita kami. Hindi ko alam ang sasabihin ko.”
Iimbitahan ba niya ito kung sakaling magkaroon ng premiere night ang launching movie niya?
“Okey lang sa akin na imbitahin siya sa premiere night para makita niya ang pinaghirapan ko at maging proud siya sa akin,” sagot ni Sean na matagal na ring hindi nakakausap ang sariling ama.
“Yung father ko, nasa Bulacan. Sa tingin ko naman po, nagbago na siya.
“Hindi po kami gaanong nakakapag-usap. Feeling ko naman po, alam niya na artista na ako. Nakikita niya.
“Si Mama naman po, sobrang proud siya sa akin dahil artista na ako.”
Ang maging artista ang pangarap ni Sean noong maliit na bata pa siya, at sina John Lloyd Cruz at Coco Martin ang mga aktor na paborito niya.
Marahil, natupad ang ambisyon ni Sean na magkaroon ng acting career dahil ito ang gantimpala sa kanya ng Diyos, kapalit ng mga hirap na naranasan niya noong menor de edad pa siya.
“Iniisip ko na napapanood ang sarili ko sa TV. Minsan, ginagaya ko ang mga napapanood ko, sina John Lloyd Cruz, Coco Martin…
“Mahilig akong manood ng mga teleserye at babad dati ako sa panonood ng TV,” sabi pa ni Sean.
Sa kagustuhan niyang maging aktor, sinunggaban agad ni Sean ang oportunidad nang magpatawag ng audition para sa Anak ng Macho Dancer.
“Noong mag-audition ako para sa Anak ng Macho Dancer, ang alam ko may napili na silang bida, kaya parang naghahanap lang sila ng mga suporta.
“Okey lang sa akin na maging support basta maging part lang ako ng pelikula, kaya hindi ako makapaniwala nang tawagan nila ako at sabihin na ako ang napiling bida.
"Ten shooting days ang Anak ng Macho Dancer at natutuwa po ako dahil mga award-winning actor ang mga kasama ko.
“Nakakahiya po na nakakataba ng puso. Hindi ko po akalain na ganoong kalalaking tao ang mga makakatrabaho ko.”
Ang matapos na ang coronavirus pandemic ang dalangin ni Sean para masundan pa ang kanyang mga project.
Pero habang naghihintay sa January 2021 playdate ng Anak ng Macho Dancer, patuloy ang pag-aaral ng baguhang aktor na first year Culinary Arts student sa Lyceum of the Philippines University dahil hilig niya ang pagluluto.
Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!