Nagsadya si Joed Serrano sa opisina ng Optical Media Board (OMB) nitong Martes, February 2, para humingi ng tulong dahil sa movie pirates na patuloy na kinokopya, ibinebenta, at ikinakalat sa murang halaga (P100) ang Anak ng Macho Dancer.
Ang Anak ng Macho Dancer ang unang project ng film outfit ni Joed, ang Godfather Productions.
Ibinigay ni Joed sa OMB ang listahan ng pangalan ng mga taong lantarang nagbebenta sa social media ng mga illegal na kopya ng Anak ng Macho Dancer.
Nangako si Joed na gagamitin ang kanyang salapi at mga koneksiyon para matugis at maipakulong ang mga nagpirata ng pelikula niya.
Pero tila hindi nababahala ang mga magnanakaw dahil hanggang sa mga oras na isinusulat ang report na ito, may mga nag-aalok pa rin sa iba’t ibang social media platforms ng full uncensored copy ng Anak ng Macho Dancer.
Wala itong ipinagkaiba sa isang boxer na bugbog-sarado sa mga movie pirate.
Launching movie ni Sean de Guzman ang Anak ng Macho Dancer, na nagkaroon ng digital premiere sa www.ktx.ph noong January 30.
Nagkakahalaga ng P690 ang tickets para sa digital premiere ng pelikula, pero kasabay ng streaming nito ang pagkalat sa social media ng mga screenshot at movie clips.
Dahil dito, umapela si Sean sa movie pirates na tigilan ang masamang gawain dahil ang hanapbuhay ng maliliit na manggagawa sa industriya ang naaapektuhan.
Muling mapapanood sa www.ktx.ph ang Anak ng Macho Dancer sa February 5, 6, at 7. P169 na lamang ang presyo ng access ticket na mahal pa rin kung ikukumpara sa baratilyo price na alok ng mga pirata ng pelikula.