“Hindi ko naiisip ‘yan. Nag-e-enjoy ako sa buhay ko at sa show ko.”
Ito ang sagot ni Willie Revillame sa mga taong kinukumbinsi siyang kumandidato sa eleksyon na magaganap sa susunod na taon.
Tinuldukan ni Willie ang mga espekulasyong kakandidato siya para sa public office na madalas lumilitaw sa tuwing magkakaroon ng eleksyon sa ating bansa.
Noong April 2018, kumalat ang balitang tatakbo si Willie bilang mayor ng Quezon City sa halalan noong May 2019, pero napatunayang tsismis lamang ang lahat dahil nanatili siyang host ng Wowowin.
Ngayong 2021, may mga nagsusulong ng Tulfo-Revillame team—dahil sa pagtulong din ni Raffy Tulfo sa mga nangangailangan—para sa eleksyon sa May 2022.
Pero sa text message sa kanya ng Cabinet Files ngayong gabi, tahasang sinabi ni Willie na wala sa isip niya ang pagpasok sa pulitika.
Naniniwala naman ang mga nagmamalasakit kay Willie na isang malaking public service program ang Tutok to Win ng Wowowin kaya hindi na kailangan na magkaroon siya ng posisyon sa gobyerno para makatulong sa mga kababayan natin na kapos sa buhay.
Public servant na rin ang turing kay Willie ng publiko dahil sa dami ng kanyang mga natutulungan na walang anumang kapalit.
Patuloy pa rin ang panalangin ni Willie na matapos na ang coronavirus pandemic para bumalik na sa normal ang buhay ng lahat ng mga tao sa buong mundo.