Ang makatotohanan na kuwento at ang fine performances nina Xian Lim, Kylie Verzosa, Marco Gumabao, at Phoebe Walker ang mga dahilan para panoorin ang Parang Kayo Pero Hindi, ang original series ng VivaMax na may anim na episodes.
Nagsimula kahapon, February 12, ang streaming ng Parang Kayo Pero Hindi at ang maiinit na eksena ang bubulaga sa umpisa pa lamang ng episode one.
Dapat na maging matalas ang mga mata ng manonood dahil malilito sila sa intertwined o pinaghalo na sizzling love scenes nina Xian at Phoebe at Marco at Kylie.
Higit na mapangahas ang lovemaking ng mga karakter nina Marco at Kylie na may pumping scene pero hindi ito malaswa sa paningin dahil naging maingat ang direktor na si RC Delos Reyes.
Bagay na bagay sa Valentine’s Day ang kuwento ng Parang Kayo Pero Hindi dahil tinalakay rito ang tatlong klase ng relasyon, ang pagmamahalan ng mga karakter na ginampanan nina Xian, Phoebe, Marco, at Kylie at ang lihim na pag-ibig ng isang teenage girl sa kapwa babae.
Kasama sa cast ng Parang Kayo Pero Hindi sina Yayo Aguila, Francine Garcia, Gino Roque, Guji Lorenzana, at Danita Paner.
Na-master na ni Yayo ang mother roles dahil epektibo siya bilang nanay ni Xian.
Mapagkakamalan naman na magkapatid sina Francine at Kylie na gumanap na magkaibigan dahil sa mga eksena at anggulo na magkahawig sila.
Kinunan ang mga eksena ng Parang Kayo Pero Hindi sa Alaminos at Bolinao, Pangasinan.
Matagal na nanatili sa Alaminos ang cast para sa lock-in shoot ng kanilang proyekto.
Mahihikayat ang manonood na pumunta at magbakasyon sa Alaminos at Bolinao dahil nagtagumpay si Delos Reyes na maipakita ang kagandahan ng mga nabanggit na bayan.
Bukod sa mga beach na magaganda, nakakagutom ang mga pagkain sa Pangasinan lalo na kapag sinasabi ng karakter ni Kylie na ang longganisa ng Alaminos ang isa sa mga pinakamasarap na natikman niya.
Kaya malaking tulong sa tourism industry ng naturang lalawigan ang Parang Kayo Pero Hindi.