Ibinahagi ni FDCP Chair Liza Diño-Seguerra sa kanyang Facebook post ang reopening ng mga sinehan bukas, March 5, sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified at General Community Quarantine alinsunod sa Memorandum Circular No.21-08 ng Department of Trade and Industry.

Pero iba ang pahayag ng mga theater management na tinawagan ng Cabinet Files sa telepono ngayong araw, March 4.
Pare-pareho ang sagot ng mga nakausap naming representative ng Robinson’s Movieworld, Gateway Cineplex, at Ayala Cinemas: wala silang abisong natanggap mula sa management na bubuksan na bukas ang kanilang mga sinehan.
Ayon naman sa isang cinema authority, walang sinehan sa Metro Manila ang magbubukas sa March 5, sa kabila ng memorandum circular na inilabas ng DTI dahil umiiral pa rin ang takot sa mga tao na ayaw ipagsapalaran ang kanilang kalusugan, kapalit ang panandalian na aliw at paglilibang.
Ang desisyon ng mga theater management na panatilihing sarado ang kanilang mga sinehan ang dahilan kaya hindi matutuloy bukas ang cinema release ng Tililing, ang controversial movie na mapapanood na lang sa streaming service na VivaMax.
Binatikos ang Tililing dahil sa poster nito. Pero binigyan ito ng R-13 classification ng MTRCB dahil matino ang pelikula, maayos na nailahad ang malungkot na kalagayan ng mga pasyente sa isang mental asylum, at mahuhusay ang pagganap na ipinamalas nina Gina Pareño, Baron Geisler, Candy Pangilinan, Cai Cortez, Yumi Lacsamana, Chad Kinis, at Donnalyn Bartolome.