Malakas ang hatid na kilig sa viewers ng nag-trending na Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) episode noong Linggo, March 14.
Ito ay ang kuwento tungkol sa pagmamahalan nina Lola Avelina Cordova ng Isabela at Lolo Guillermo Mendoza ng Malate, Manila.
Si Lolo Guillermo ang first love ni Lola Avelina.
Nagkakilala sila noong dekada '50.
Apat na taon silang nagkaroon ng relasyon, pero nagkahiwalay dahil biglang hindi na nagpakita at nagparamdam si Lolo Guillermo.
Makalipas ang mahigit anim na dekada, at sa tulong ng staff ng popular television show ni Jessica Soho sa GMA-7, muling pinagtagpo ng tadhana sina Lolo Guillermo at Lola Avelina.
Nabigyan sila ng pagkakataong makapag-usap sa pamamagitan ng video call.
Kinilig ang mga nakapanood sa episode ng KMJS sa muling pagkikita nina Lolo Guillermo at Lola Avelina.

Young Avelina and young Guillermo
"PART 2" FOR LOLO GUILLERMO AND LOLA AVELINA?
Pero para sa kanila, kabilang ang 85-year-old grandmother sa mga naitalang biktima ng “ghosting” ng 86-year-old grandfather noong kabataan nila.
Nagkaroon ng kanya-kanyang pamilya sina Lolo Guillermo at Lola Avelina. Pero sinabi ni Lola Avelina na hindi pa rin nawawala sa kanyang isip ang lalaking unang nagpatibok ng puso niya.
Handa naman si Lolo Guillermo na bigyan ng Part 2 ang kuwento ng pag-iibigan nila ni Lola Avelina sa kabila ng kanilang mga edad dahil pareho na silang mga biyudo at biyuda.
"Kung halimbawa biyuda ka na, wala ka nang pananagutan, e, kung sabihin ko sa 'yo buhayin natin muli yung ating pag-ibig," ang napakatamis na mensahe ni Lolo Guillermo kay Lola Avelina na lalong nagpakilig sa manonood at nagbigay ng pag-asang totoo ang salitang "forever."
Inaabangan ng mga sumusubaybay sa love story nina Lolo Guillermo at Lola Avelina ang kanilang personal na pagkikita.
Pero matatagalan pa ito dahil hindi pinapayagang lumabas ng bahay ang mga senior citizen bilang pag-iingat laban sa COVID-19, lalo na ang mga octogenarian na gaya nila.
"TATAY KO 'TO!"
But wait, there’s more!
Nasorpresa ang 28-year-old na si Hercey ng Calamba City, Laguna, nang makita niya sa Facebook page ng KMJS ang larawan ni Lolo Guillermo sa teaser post ng programa tungkol sa love story nila ni Lola Avelina.
"Omg!!!! Tatay ko to!!!! Seryoso????" unang reaksiyon ni Hercey nang makita nito sa Facebook page ng KMJS ang litrato ni Lolo Guillermo noong kabataan nito.
May caption ang litrato na “Lola, humihingi ng closure matapos i-ghost ng kanyang first love anim na dekada na ang nakakaraan.”
May matinding dahilan ang pagkagulat ni Hercey dahil siya ang anak ni Lolo Guillermo sa pangalawang pamilya nito, at isang taon na ang nakalilipas mula nang mawalan sila ng komunikasyon noong March 2020.
Shocked na shocked si Hercey dahil hindi niya alam na nagkaroon noon ng relasyon kay Lola Avelina ang kanyang ama dahil wala itong naikukuwento sa kanila.
Nang mahimasmasan, pabirong nag-post si Hercey sa kanyang Facebook page tungkol sa tatay niya:
"Aba daddy buti hindi ka na-Tulfo at na-Jessica ka lang. Mula noon hanggang ngayon babaero ka talaga hahaha. I love you. I miss you so much."
Nilagyan ito ni Hercey ng heart at laughing face emojis.

Hercey and her father Guillermo
"I was really shocked kasi he never told me about Lola Belen," sabi ni Hercey sa panayam sa kanya ng Cabinet Files na nangyari kagabi, March 15, sa pamamagitan ng Facebook messenger.
Dating amateur boxer, matikas, at guwapo si Lolo Guillermo noong kabataan nito kaya likas na habulin ng mga babae.
Kinumpirma ni Hercey na "chickboy" at talagang sweet-talker ang kanyang ama na naging dahilan kaya nagkahiwalay ang mga magulang niya.
Ayon kay Hercey, "All I know is that my dad is babaero talaga kasi yun din ang dahilan ng paghihiwalay nila ng mom ko.
"Sobrang guwapo niya po noon and matikas and sweet talker sa babae, kahit na noong isinilang na ako."
Ano ang reaksiyon mo nang mapanood mo sa KMJS ang virtual na pagkikita nila ni Lola Avelina?
"I am genuinely happy na nahanap na ni Daddy yung first love niya and kinilig din ako sa kuwento, tho’ nagulat din ako kasi hindi naman nababanggit ng dad ko about Lola Belen.
"That’s why I posted our photo na may caption na ganoon because it’s true, hahahaha! Babaero talaga si Daddy.
"Pero super supportive siya at hindi niya kami pinabayaan.
"Hindi siya perfect pero he really did his best para makatapos ng college," may pagmamalaking sagot ni Hercey tungkol sa pagiging responsableng ama ni Lolo Guillermo.
Huling nagkita nang personal sina Hercey at Lolo Guillermo noong July 2019, samantalang noong March 2020 ang kanilang huling komunikasyon.
Palaisipan kay Hercey ang nahintong pakikipag-ugnayan sa kanya ni Lolo Guillermo kaya natawa siya nang sabihin niyang "na-ghost" din sila ng tatay niya.
"I was sad for Lola Belen na ghinost ni Daddy, pero I truly believe that first love never dies, and they are a testament to that.
"Tho’ na-sad ako nung napanood ko ang KMJS na he never talk about his second family after niya na mabiyudo."
Natatawang sabi pa ni Hercey, "And it was not true na 20 years ago lang siya nabiyudo.
"I think that was more than thirty years ago kasi ang kuya ko, 37 years old na."
Sa panayam ng KMJS, sinabi ni Lolo Guillermo na dalawampung taon na ang nakararaan mula nang mamatay ang kanyang asawa, at hindi niya binanggit na nagkaroon siya ng pangalawang pamilya matapos mabiyudo.
Tanong namin kay Hercey: ano ang reaksiyon ng 66-year-old mother mo nang malaman niyang tatalakayin ang love story nina Lolo Guillermo at Lola Avelina sa KMJS?
"Tumawa lang siya nung nalaman niya na nasa KMJS si Daddy," sabi ni Hercey.
"Lolo ni Gerald Anderson" ang mga biro at reaksiyon ng ilang netizens sa "ghosting" na ginawa ni Lolo Guillermo kay Lola Avelina dahil sa diumano’y ghosting na naranasan ni Bea Alonzo mula sa ex-boyfriend nito noong 2019.
Kinuha namin ang opinyon ni Hercey tungkol sa "Lolo ni Gerald" jokes dahil nadamay sa kuwento ng pag-iibigan nina Lolo Guillermo at Lola Avelina ang aktor na walang direktang kinalaman.
"Natawa ako kasi hindi ganoon ang pagkakakilala ko sa dad ko as a partner. Hindi niya kasi ginawa [ghosting] ‘yon noon sa mom ko, ngayon lang.
"Siguro, bagay nga siya na maging lolo ni Gerald," sagot ni Hercey.