Ginamit ng direktor na si Don Michael Perez ang salitang "phenomenon" sa description niya sa Love of My Life, ang drama series ng GMA-7 na nakatakdang magwakas ngayong Biyernes ng gabi, March 19.
Kaya nalulungkot ang mga loyalista ng programa dahil naging bahagi ng buhay nila sa panahon ng coronavirus pandemic ang mga karakter na ginampanan nina Mikael Daez, Rhian Ramos, Tom Rodriguez, Coney Reyes, at Carla Abellana.
Pahayag ni Direk Don, "I want to call it a phenomenon, parang sa Philippine television, it’s so refreshing na makapanood ka ng palabas na ang feeling mo, parang kapitbahay mo lang yung pinapanood mo.
"Parang ang feeling mo, kilala mo sila, kasi totoo yung kuwento, yung dialogues, conversations at performances."
Sinabi ni Direk Don na posibleng magkaroon ng Season 2 ang Love of My Life.
Nagbigay-pugay naman sina Mikael, Carla, at Coney sa production staff na malaki ang naitulong para maging magaan ang trabaho nila sa lock-in taping nila sa Tagaytay City.
Para kay Mikael, may X factor ang Love of My Life dahil sa maganda at maayos na samahan ng lahat.
Sabi niya, “Ang X factor ng show, camaraderie and chemistry of the whole team, not just the actors on set and I think that shines through our work.
“Everybody made it easy for everyone to do their jobs and everybody was able to excel. I’m very happy and very thankful to be part of the team and the experience.”
Naniniwala naman si Carla na ang magandang kuwento ng kanilang drama series ang isang dahilan kaya nagustuhan at sinubaybayan ng televiewers ang Love of My Life.
Pahayag ng aktres, “It’s really a combination of everything. I believe na number one is the story, definitely.
"I honestly don’t know kung yun pa rin ang original pre-pandemic, pero we made it work, given the circumstances.
“Nabawasan po yung cast, pero kahit apat lang yung main characters, ang ganda ng characterization.
"Maganda rin to point out is yung it’s not your typical family story. May times na it makes the televiewers uncomfortable.
"Maganda na we offer the public something different and, in all fairness, yung reception nila makikita na not everybody is uncomfortable with that idea."
Hindi lamang ang kanyang co-stars at ang production crew ng Love of My Life ang pinuri ni Coney dahil saludo siya kay Direk Don.
Saad ng veteran actress, “The production staff, they were all very hardworking, the crew, ang direktor namin na napakalawak ng pang-unawa.
“Naiintindihan niya ang characters ng bawat isang artista niya, so pag meron kaming questions, natutulungan niya kami kaagad, maski sa lines.
“Ako personally, I always ask him because he’s also a writer. It’s so easy for him to be able to come up with something.
“It’s really a collaborative effort kasi naniniwala ako na when there’s unity, nakikita ‘yon, nagta-translate sa trabaho dahil nagtutulungan kami. We help one another, we motivate each other whatever work it is.
“Kunwari sa production, may nalulungkot na o medyo nahihirapan, we encourage one another, at ganoon din kami sa kapwa artista.
"So, talagang nagta-translate sa trabaho and I think nararamdaman ng viewers yun.”
May suggestion si Coney na isalin sa pelikula o magkaroon ng Season 2 ang Love of My Life.