Nagsimula noong October 2020 ang lock-in shoot ng Jukebox King: The Life Story of Victor Wood.
Inaasahang matatapos ang principal photography nito sa susunod na buwan.
Ang Eagle Broadcasting Corporation ang producer ng Jukebox King, at ang 30-year-old actor na si Mart Escudero ang napili para magbigay-buhay sa katauhan ni Victor dahil malaki ang pagkakahawig nila.
“Ang una po nilang sinabi na rason kaya ako napili ay dahil importante sa kanila na kamukha na Victor Wood ang gaganap, at pasok daw ako sa features niya,” sabi ni Mart sa panayam sa kanya ng Cabinet Files ngayong Lunes ng gabi, March 22.
“Noong una, hesitant po ako dahil si Mr. Wood ay isang icon sa larangan ng pagkanta samantalang hindi po ako marunong kumanta.
"Pero hindi ko kayang mawala sa akin ang project kaya nilakasan ko ang loob ko. Ipinakita ko sa kanilang hindi sila nagkamali sa pagpili sa akin.”

Mart Escudero as Victor Wood
Nag-umpisa ang singing career ni Victor noong dekada '60 at dekada '70 nang makamit niya ang superstar status at tanghalin siyang Jukebox King.
Nag-research si Mart sa YouTube at sa Internet tungkol sa 75-year-old singer, pero limitado ito kaya malaking tulong ang mga ikinuwento sa kanya ng direktor na si Carlo Cuevas tungkol sa veteran singer.
Sabi niya, “Maraming bagay ang naikuwento sa akin ni Direk Carlo habang pinag-aaralan namin ang script. Limited lang din ang pwedeng i-research sa YouTube at sa online.
“Kasagsagan ng pandemic nang umpisahan namin ang shooting kaya hindi po ako nabigyan ng pagkakataong makaharap nang personal si Mr. Wood, pero noon pa man, madalas kong napapakinggan ang mga kanta niya."
Bilang senior citizen, hindi pwedeng lumabas ng bahay si Victor.
Patuloy ni Mart, “Naging challenge sa shooting namin ang pandemic situation at sa tingin ko, yun ang nagpapahirap sa lahat ng mga gumagawa ngayon ng pelikula."
Co-stars ni Mart sa Jukebox King sina Elizabeth Oropesa, Kim Rodriguez, Antonio Aquitania, Paolo Marcoleta, Kristel Fulgar, Alwyn Uytingco, Jasmin Henry, at Jon Lucas.
Pero walang idea si Mart kung kailan ang playdate ng pelikula na isa sa mga pinakamahalagang project na dumating sa buhay niya.