Sinagot na noon ni Miss International 2016 Kylie Verzosa ang isyu tungkol sa pagiging magkamag-anak nila ni Gardo Versoza dahil pareho sila ng apelyido, pero marami pa rin ang nagtatanong sa kanya.
"Feeling ko, faraway relative ko lang si Tito Gardo pero naka-work ko na siya sa isang sitcom," sagot ni Kylie sa mga nagtatanong na kulang ang kaalaman sa showbiz.
For the record, hindi malayong kamag-anak ni Kylie si Gardo dahil walang kaugnayan sa isa’t isa ang dalawa.
Screen name lamang ang Gardo Versoza na ibinigay ng Seiko Films producer na si Robbie Tan sa kanyang sexy male contract star noong 1991.
Peter Mennen Torres Polintan ang tunay na pangalan ni Gardo.
Lalaking-lalaking pakinggan ang Gardo Versoza kaya ito ang screen name na pinili ni Robbie para sa kanya.
Muling sinagot ni Gardo ang tanong tungkol sa kanilang dalawa ni Kylie sa digital presscon ng Biyernes Santo para magkaroon na ng closure ang isyu.
Sinabi ni Gardo na magkaiba ang spelling ng mga apelyido nila ni Kylie.
Aniya, "Dun pa lang, magkaiba na and screen name ko lang naman ‘yon. Hindi ko siya real name."
The Housemaid, Biyernes Santo
Kung may pagkakapareho man sina Kylie at Gardo, ito ay ang upcoming movies nila na parehong suspense-thriller—ang The Housemaid at ang Biyernes Santo.
Ang Biyernes Santo ang Holy Week presentation ng VivaMax at unang suspense-thriller movie project ni Gardo sa Viva Films.
Masuwerte si Gardo dahil malakas ang ticket sales para sa premiere ng Biyernes Santo sa March 26 na palatandaanng interesado ang publiko na mapanood ang pelikulang may nakakatakot na trailer.
On the other hand, ang Philippine adaptation ng blockbuster South Korean movie na The Housemaid ang launching movie ni Kylie.
Mapangahas si Kylie sa The Housemaid dahil itinodo niya ang pagpapaseksi sa kanyang mga eksena, lalo na sa love scene nila ni Albert Martinez.