Si Janno Gibbs ang gaganap na German Moreno sa Yorme, ang film biography ni Manila City Mayor Isko Moreno na pinagbibidahan ni Xian Lim.
Drama musical ang Yorme kaya maipakikita ni Janno sa pelikula ang talent niya sa pagkanta.
Si German o Kuya Germs ang isa sa mga nagbigay kay Isko ng malaking break sa showbiz noong 1993 kaya hindi siya pwedeng mawala sa isinasapelikulang life story ng mayor ng Manila.
Tulad ni Isko, si Kuya Germs ang discoverer ni Janno, na naging emosyunal nang tanggapin niya ang project.
Sabi ni Janno sa Cabinet Files, "I am very happy to be asked to play Kuya Germs.
"I’d like to think na isa ako sa favorite alagas ni Kuya Germs at siya talaga ang naka-discover sa akin.
"I owe him my career. We were close kaya emotional ako playing him in Yorme.
"Nagdalawang isip lang ako kasi kailangan mag-ahit, which I don’t like, pero ayokong iba ang gumanap na Kuya Germs."
Nang ipagdiwang ni Kuya Germs ang 25th anniversary nito sa showbiz noong 1988, si Janno ang kanyang personal choice para kantahin ang theme song ng TV special na kinunan sa Sampaguita Gardens, ang "Kung Mayroong Pangarap" na composition ni Danny Tan.
Isa itong patunay na paborito ni Kuya Germs ang singer-actor.
Ang "Kung Mayroong Pangarap" ang kuwento ng buhay ni Kuya Germs, ayon kay Danny.
Ang Yorme, na idinidirek ni Joven Tan, ang isa sa dalawang pelikula ni Janno para sa 2021.
May dalawang araw pa siyang shooting para sa Yorme, samantalang naghihintay na lamang ng playdate ang reunion project nila ni Manilyn Reynes, ang Pinoy superhero movie na Mang Jose.

Janno Gibbs as Mang Jose
"Tapos na ang [filming] ng Mang Jose. I’ve actually seen the whole movie. Maganda siya!
"I think Viva and Project 8 who are co-producers of the film are trying to wait for a theatrical release hangga’t maaari kasi special yung pelikula," sabi ni Janno.
Ang Project 8 ang movie production company nina Dan Villegas at Antoinette Jadaone.