Cancelled na ang Cancelled, ang comeback movie sana ni Claudine Barretto.
Kinumpirma ito ng producer ng Borracho Film Productions na si Atty. Ferdinand Topacio sa Cabinet Files ngayong Biyernes ng umaga, March 26.
"Creative differences with Joel Lamangan and Claudine na lamang ang sasabihin ko," may panghihinayang na pahayag ni Topacio tungkol sa desisyon nitong i-shelve na lamang ang project.
Si Claudine ang umatras sa Cancelled, at ipinaalam niya kay Topacio ang kanyang pasya sa pamamagitan ng isang text message.
Nanghihinayang sa nangyari ang fans ni Claudine na umasang muli nilang mapapanood sa isang pelikula ang kanilang idolo.
Anim na taon na ang nakalilipas buhat nang magbida si Claudine sa pelikula, ang Etiquette for Mistresses ng Star Cinema noong 2015.
Si Jericho Rosales ang leading man ni Claudine at si Joel Lamangan ang direktor ng Cancelled, na plano sanang umpisahan ang shooting sa April 2021.
May posibilidad na ituloy ng Borracho Film Productions ang Cancelled, pero iba na ang direktor at ang lead stars.
Dahil sa shelved na ang Cancelled, ang pagpapatuloy ng lock-in shoot ng Mamasapano sa Batangas sa April 23 ang pagtutuunan ng pansin ng Borracho Film Productions.
Pinaghahandaan na rin ni Topacio ang upcoming project ng kanyang movie outfit, ang One Dinner a Week na pagbibidahan nina Ritz Azul, Myrtle Sarrosa at Edu Manzano.