Inaasahan ang paglalabas ng Malacañang Palace ng importanteng anunsyo ngayong gabi, 6 pm.
Tungkol ito sa kumakalat na balita na muling sasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) at ang mga karatig-probinsya para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus.
Pero nauna na ang announcement ng mga gobernador ng Laguna at Cavite.
Ipinahayag ni Laguna Governor Ramil L. Hernandez sa kanyang official Facebook page na muling ipatutupad ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang ECQ simula bukas, March 28 hanggang April 4, 2021.
“Ayon sa pinakahuling resolusyon ng IATF, ang ating lalawigan ay malalagay muli sa Enhanced Community Quarantine o ECQ simula Marso 28 hanggang Abril 4, 2021.
“Ito ay dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 nitong mga nakaraang araw. Muli po ang ating paalala na mag-ingat at palaging sumunod sa mga safety protocols at minimum health standards.
“Antabayanan na lamang po ang mga update tungkol sa mga guidelines dito sa aking page,” ani Hernandez.

Hindi nagkakalayo ang mga social media post ni Hernandez at ni Cavite Governor Jonvic Remulla na personal na nakausap si Malacanang Spokesperson Harry Roque pero nakapagtataka na binura niya ang kanyang ibinahagi na balita.
“ECQ again. Just talked to SPOX Harry Roque. Cavite along with other areas will be under ECQ from Sunday, March 28-April 4, 2021. I will report details as I get it," ang nakasaad sa deleted Facebook post ni Remulla pero marami na ang nakapag-screenshot at nagbahagi ng kanyang announcement na nauna pa sa hinihintay na opisyal na pahayag ng Malacanang Palace.
