Grab driver na magde-deliver ng lugaw, hindi inakalang magiging national issue ang pagharang sa kanya ng mga barangay tanod

by Jojo Gabinete
Apr 1, 2021
Grab driver Marvin Ignacio on lugaw as an essential food: ”Ang pagkakaalam ko sa buong pagkatao ko, umabot po ako ng 23 years old na alam ko na essential yung lugaw kasi nga po, category siya ng pagkain kahit sabihin natin na hindi siya kaagad nakakabusog. Essential pa rin siya kasi may mga taong hindi afford na bumili ng mamahaling pagkain.”
PHOTO/S: Marvin Ignacio / Grab

Hindi inaasahan ni Marvin Ignacio na magiging national issue ang kanyang karanasan. Pero nagpapasalamat siya dahil nagkaroon ng awareness ang publiko tungkol sa mga sakripisyo at kalagayan ng mga delivery rider na kagaya niya.

Si Marvin ang 23-year-old Grab rider at “man of the hour” dahil sa kanyang viral video nang sitahin siya ng mga barangay tanod ng Barangay Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan, kahapon, Holy Wednesday, March 31.

Pinaratangan si Marvin ng paglabag sa curfew hours (6 p.m. to 5 a.m.) na ipinatutupad sa bisa ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region at sa mga kalapit na lalawigan dahil maghahatid siya ng lugaw sa kostumer na nag-order sa pamamagitan ng Grab.

Higit sa lahat, pinangaralan siya ng isang female barangay official na namamahala sa Violence Against Women and Children (VAWC) na hindi kabilang ang lugaw sa mga essential food o importanteng pagkain.

Nakausap si Marvin ng Cabinet Files ngayong umaga, Holy Thursday, April 1, tungkol sa karanasan niya.

Continue reading below ↓

Ayon sa kanya, hindi muna siya lumalabas ng bahay mula nang mangyari ang insidente.

“Medyo hindi muna po ako lumalabas, nagpapalamig muna, baka po may galit sa akin na barangay tanod. Medyo takot din po.

”As per investigation, may nagpupunta rin dito pa sa amin na barangay officer, VAWC raw po yung babae, siya po yung namamahala sa Violence Against Women and Children sa barangay,“ sabi ni Marvin na may asawa at isang anak.

Ipinagpapatuloy ni Marvin ang kanyang BS Education Major in English course sa pamamagitan ng online classes sa umaga, at nagtatrabaho bilang Grab delivery rider kapag tapos na ang klase niya.

Malinaw na mapapanood sa viral video ni Marvin ang pangangaral sa kanya ng babaeng hindi kasama ang lugaw sa mga essential food kaya nakaramdam siya ng pagkadismaya.

“Nung time na ‘yon, ang naramdaman ko para po akong bata na inagawan ng lollipop na walang magawa.

”Ang pagkakaalam ko sa buong pagkatao ko, umabot po ako ng 23 years old na alam ko na essential yung lugaw kasi nga po, category siya ng pagkain kahit sabihin natin na hindi siya kaagad nakakabusog.

Continue reading below ↓

”Essential pa rin siya kasi may mga taong hindi afford na bumili ng mamahaling pagkain.”

Hindi ka ba nagdalawang-isip na tanggapin ang order na lugaw at lumabas sa kabila ng itinakda na curfew hours?

“Hindi po kasi nanonood kami lagi ng news, meron din guidelines na ipinalalabas na essential po kaming riders.

“Called din kami na frontliners kasi nga po imbes na yung mga tao ang lumabas para bumili ng essential goods nila, kami na lang yung lalabas para sa kanila.

“Allowed po kami na lumabas kahit may curfew as long as hindi namin ginagamit sa pang-sariling interes ang Grab.

”As long as nagtatrabaho kami para makatulong po sa ekonomiya natin. Yun po ang pagkakaalam ko kaya everytime na may order, talagang lumalabas ako despite COVID-19.”

VIRAL VIDEO

Nagkaroon si Marvin ng presence of mind na palihim na kunan ng video ang buong pangyayari bilang proteksyon sa kanyang karapatan.

Pero sobrang takot umano ang umiral sa kanya dahil bukod sa mga barangay tanod, may mga pulis na nakapaligid sa kanila ng kapwa Grab rider na kasama niya.

Continue reading below ↓

“Yun din po ang unang pumasok sa isip ko, ang i-video ang nangyari para kung ma-violate man ang pangsarili naming karapatan, kahit papaano, may laban kami.

“Hindi man kami ang makalaban, may ibang tao na magtatanggol sa amin, ganoon po yung naging mindset ko.

"Kabadong-kabado ako ng time na ‘yon kaya nga po yung video ko, kung mapapansin ninyo, talagang patago.

"Hindi po nila alam na nagbi-video ako kasi may mga pulis na nandoon. Pilit niyang sinasabi na titiketan daw po kami. Pwede raw niya po kaming damputin dahil curfew. Lumabag daw po kami sa law.

"Ang daming barangay tanod at tatlong police mobile cars ang nandoon tapos dalawa lang kami na Grab rider kaya wala talaga akong karapatan na sumagot-sagot sa kanila.

"Nung time na ‘yon, talagang nagpakumbaba na lang ako para matapos na yung pangyayari at makauwi na lang ako sa pamilya ko. Takot na takot din ako.

Continue reading below ↓

“Yung babae, parang napansin niya na itinututok ko yung cellphone camera ko sa kanya, kaya lang, madilim.”

DELIVERING THE ORDER

Para hindi na humaba pa ang usapan, nagpakumbaba na lamang si Marvin dahil inaalaala nito ang kostumer na inip na inip sa paghihintay ng lugaw na binili.

Pumayag ang mga barangay tanod at ang pulis na dalhin ni Marvin sa kostumer ang mga lugaw, kasama ang bilin na hindi na dapat maulit ang nangyari dahil sa susunod, “dadamputin” na siya.

Continue reading below ↓

“Yung customer ko, follow up na nang follow up. Actually, paid na yung order na lugaw thru card kaya hindi na siya maka-cancel.

“Nasa 200 to 300 pesos yung order kasi medyo marami yung lugaw. Tingin ko, marami silang kakain.

"Nagagalit na po yung customer kasi po ang tagal na raw po. Kung hindi po ako nagkakamali, parang call center agent ang nag-order, then parang breaktime niya. Pero wala na siyang mabilhan sa labas, bawal pa sila na lumabas, wala silang food sa bahay.

"Nakiusap na lang ako sa kanya dahil may problema na hindi kami pinapalampas ng barangay. Lumamig na nga po yung lugaw dahil almost one hour din ang delay na na-cause ng barangay.

"Pinayagan po ako na i-deliver yung lugaw dahil nakiusap ako sa barangay. Sinabi ko na kawawa naman yung customer dahil bayad na yung lugaw.

"Hindi na po kami tiniketan ng pulis. Sabi niya, kung hindi po kami susunod, saka po raw niya kami titiketan."

Continue reading below ↓

CLOSING DOWN THE STORE

Hindi lamang si Marvin ang naperhuwisyo dahil ipinasara rin ng mga barangay tanod ang tindahan na pinagkuhanan niya ng lugaw.

Ang pagpapasara sa tindahan ang dahilan kaya may plano ang may-ari na magsampa ng reklamo laban sa mga barangay tanod at pulis.

Sabi ni Marvin, "Nagsara po ang Lugaw Pilipinas on the spot dahil sabi ng pulis, after ten or fifteen minutes, kapag bumalik pa sila at open pa yung lugawan at nandoon pa kami, subject to be taken na daw po kami. Madadampot na raw po kami kaya natakot po ako para sa sarili ko.

"Nag-video rin po ako dahil yung store owner, friend ko po sa Facebook. Yung daughter niya, classmate ko sa high school kaya family friend na rin po namin yung may-ari ng store.

"Since noong pandemic, pwede naman mag-open ang food establishments, 24 hours na bukas ang store. Sumusunod po sila sa guidelines na for take out only at night delivery.

Continue reading below ↓

"Kaya pasok talaga sa sinasabi ni Secretary Roque na pwedeng mag-operate kaya lang po, hindi ino-honor ng barangay kasi nga hindi raw essential ang lugaw.

"Ipinasara po yung tindahan on the spot at hanggang ngayon, sarado sila."

LUGAW IS AN ESSENTIAL FOOD

Ano ang pakiramdam mo na isa nang national issue ang karanasan mo at buo ang suporta ng sambayanang Pilipino na naniniwala na essential food ang lugaw?

Sagot ni Marvin, "Naging proud din po ako sa sarili ko. Parang nalampasan ko yung ganoong trial.

"Siguro will na rin ni God para yung ibang LGU’s [local government units] na hindi sumusunod sa national government, mabuksan ang isip nila at sundin ang ini-implement na batas.

"Huwag sana nilang brasuhin kami na riders kasi kung tingnan nila kami, parang maliliit lang kami na mga tao at talagang hinahamak kami.

"Karamihan po sa delivery riders, may mga tinapos, propesyonal at karamihan, nagsa-sideline dahil sa hirap ng buhay kaya kailangan ng raket."

Continue reading below ↓

Ano ang suporta sa 'yo ng Grab management?

"Kinontak na po ako ng legal department ng Grab pati ng department head ng 2-Wheels Grab.

"Sa pag-uusap po namin, wala naman sila nabanggit na magpa-file ng kaso laban sa barangay. Pero ang confirmed po na magpa-file ng kaso, yung may-ari ng store.

"Galit po siya sa babae na nagpasara ng store niya at para hindi na pamarisan ng iba."

Nang kunan ni Marvin ng video ang mga pangyayari, tiniyak niyang hindi nakatutok ang kanyang cell phone camera sa mga barangay tanod at sa babaeng nag-lecture na hindi essential ang lugaw.

Pero maabilidad ang netizens na nakatutok sa kaso dahil gumawa sila ng sariling imbestigasyon kaya nalaman nila ang pangalan, mukha, at Facebook page ng huli.

"Hindi ko ipinokus ang camera sa mukha nila para hindi ma-compromise ang privacy nila pero alam ko na po‘yung pangalan nila.

"Ngayon nga po, may netizens nang nag-iimbestiga. Ang galing nila, nalaman nila kung sino yung babae. Nag-deactivate na po ng Facebook account yung babae na sumita sa amin.

Continue reading below ↓

"May mga lumalabas na siya na fake accounts na nagpa-public apology siya," sabi ni Marvin na nagulat sa husay ng netizens.

Sa huli, ang mensahe ni Marvin para sa kanyang mga kapwa delivery rider ang hiningi ng Cabinet Files.

"Ang message ko sa kapwa ko Grab riders na patuloy na bumibiyahe amidst the pandemic, salute din po sa kanila.

"Kahit may virus na umiiral, hindi sila natatakot na makapagserbisyo sa taumbayan kahit sa maliit na pamamaraan.

"Nakakatulong po kami sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng paghahatid ng mga pagkain at pangangailangan.

"Sana sa mga ganyang pangyayari, huwag silang matakot na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, although hindi kailangang labanan yung mga nag-e-enforce ng batas, gumawa sila ng paraan kung paano mado-document para pwede nilang ihingi ng tulong sa ibang tao na may kakayahang lumaban sa barangay o police officers na nangha-harrass sa kanila.”

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Grab driver Marvin Ignacio on lugaw as an essential food: ”Ang pagkakaalam ko sa buong pagkatao ko, umabot po ako ng 23 years old na alam ko na essential yung lugaw kasi nga po, category siya ng pagkain kahit sabihin natin na hindi siya kaagad nakakabusog. Essential pa rin siya kasi may mga taong hindi afford na bumili ng mamahaling pagkain.”
PHOTO/S: Marvin Ignacio / Grab
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results